MANILA – Sa layuning mabawasan ang malaking gastusin ng Vatican, iniutos ni Pope Francis na tanggalan ng diskuwento pati na rin ng libreng pagtira sa apartment ang mga cardinal at matataas nitong opisyal.
Ayon sa Santo Papa, kailangan magsakrispisyo ang lahat para maisakatuparan ng Simbahang Katolika ang misyon nito sa buong mundo at maitaas ang kita ng Simbahan sa malawak na mga ari-arian nito mula sa Rome hanggang Paris, London at Geneva.
Hindi pa tinukoy kung kailan opisyal na ipatutupad ang utos ng Santo Papa na siyang napagkasunduan sa dayalogo ng Santo Papa sa pinuno ng economy deparment ng Vatican noong Pebrero 13.
Noong 2021, binawasan ng Santo Papa ang suweldo ng mga cardinal at matataas na opisyal ng Vatican para pagaanin ang pinsalang idinulot ng pandemya ng COVID-19 sa mga gastusin ng Holy See.