MANILA — Pinagtibay na nitong Miyerkules ng gabi sa plenaryo ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang Resolution of Both Houses (RBH) 7 o ang pag-aamyenda sa mahigpit na probisyon sa ekonomiya ng 1987 Konstitusyon ng bansa.
Sa botong 288 pabor, 8 kontra at 2 abstain ay ganap na naipasa ang RBH 7 na bersiyon ng Kamara na kahalintulad ng RBH 6 ng Senado.
Binigyang diin ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na ang panukalang amyenda sa mahigpit na probisyon sa 37 taong Saligang Batas ay itinuturing niyang ‘last piece in the puzzle of investment measures” na nais ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang isulong ang kaunlaran ng ekonomiya ng bansa, lumikha ng trabaho at oportunidad para sa ikabubuti ng buhay ng mga Pinoy.
Sinabi ni Romualdez na kailangan ang amyenda para maka-engganyo ng Foreign Direct Investments (FDIs) lalo na at napag-iiwanan na ang Pilipinas ng mga kalapit nitong bansa sa ASEAN.
Umaasa naman si Romualdez na ipapasa rin ng Senado ang RBH No. 6 na bersiyon nito sa economic cha-cha.