
MANILA — Magsasagawa ng kauna-unahang three-way summit ang Estados Unidos sa mga lider ng Pilipinas at Japan sa White House sa susunod na buwan.
Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), kasado na sa Abril 11-13, 2024 ang pakikipagpulong ni US President Joe Biden kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa White House.
Layon ng trilateral meeting na mas mapalalim pa ang ugnayan at pagkakaibigan ng tatlong bansa at magkakaibang vision para sa “free and open Indo-pacific”.
Matatandaan na patuloy ang panawagan ng United States para sa “free” Asia-Pacific region sa gitna ng patuloy na panghihimasok ng China sa pinag-aagawang teritoryo ng South China Sea kaya patuloy ang tensyon dito.
Nauna na rin inihayag ni Pangulong Marcos at Kishida noong Nobyembre na sisimulan nila ang negosasyon para sa defense pact na papayagan silang magdeploy ng tropa sa bawat isang teritoryo.
Kapag natapos na ang trilateral meeting ay magsasagawa si Biden ng hiwalay na bilateral meeting kay Marcos sa White House.
Dito umano muling pagtitibayin ng Estados Unidos ang matibay na pakikipag-alyansa sa pagitan ng dalawang bansa.