MANILA — Matapos mailibre ang ultrasound at mammogram para sa mga kababaihan, sunod na pinatututukan ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang libreng mga gamot na kailangan sa dialysis at chemotherapy para sa mga may cancer at chronic kidney disease (CKD).
Nitong Martes ng hapon, inatasan ni Romualdez si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo para makipagpulong sa mga opisyal ng PhilHealth at pag-aralan ang pagbibigay ng libreng mga gamot sa dialysis at chemotherapy sa mga miyembro ng PhilHealth.
“Kung naibigay natin ang libreng mammogram at ultrasound sa mga kababaihan, baka pwede naman daw nating isunod ang libreng gamot sa dialysis at chemotherapy. Yan ang mahigpit na utos ni Speaker Romualdez sa mga opisyal ng PhilHealth base na rin sa utos ni Pres. Marcos,” ayon sa pahayag ni Tulfo.
“Sabi kasi ni Speaker yan ang madalas hingin ng mga kababayan natin na lumalapit sa mga mambabatas, ang mga gamot na ginagamit sa dialysis at chemotherapy,” dagdag ng mambabatas.
Sa naturang pulong kahapon, agad namang tumugon ang mga opisyal ng PhilHealth na agad nilang pasisimulan ang pag-aaral para ibigay ng libre ang mga naturang gamot.
“Pag-aaralan na natin agad yan. We will give feedback as soon as magkaroon ng resulta,” ayon kay Dr. Edwin Oriña, Senior Manager, Corporate Planning, ng PhilHealth.
Ang chemotherapy at dialysis ay kasalukuyang libreng ibinibigay na sa mga miyembro ng PhilHealth pero hindi pa kasama ang mga gamot na ginagamit dito.
Inaasahan namang ipatutupad ng PhilHealth ang libreng mammogram at ultrasound sa Abril.