MANILA — Inaasahang papasok sa Pilipinas ang bagong Covid-19 subvariant na JN.1 na natukoy na sa ibang bansa partikular sa Amerika.
Ayon kay Philippine College of Physician president Dr. Rontgene Solante, kung makakapasok ng Pilipinas, maaaring maging dahilan ito ng panibagong pagtaas sa mga kaso, kaya’t kinakailangan na bantayan itong mabuti ng pamahalaan partikular na ng Department of Health (DOH).
“I don’t know if it has been detected this in our surveillance, but given the fact na nandito na sa ibang bansa na kalapit natin and then wala tayong restrictions sa travel so most likely in due time puwedeng nandito na rin yan,” saad ni Solante.
Sa mga paunang datos, may katangian umano ang JN.1 ng tulad sa Delta subvariant na maaaring magdulot ng mas malalang pagkakasakit.
Unang klinasipika ng World Health Organization (WHO) ang JN.1 na isang “variant of interest”, ngunit hindi naman umano ito nagtataglay ng matinding banta sa kalusugan.
Sa kabila ng pagtaas ng mga bagong kaso ng Covid-19, sinabi ni Solante na hindi ito dapat maging dahilan ng pag-panic ng publiko dahil sa inaasahan na ang paglala ng mga kaso sa respiratory tuwing taglamig dagdag pa ang hindi na pagsunod sa health protocols ng marami.