Inflation mas bumagal pa sa 6.1 percent

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Habang patuloy na bumabagal ang inflation ng bansa sa ika-apat na magkakasunod na buwan noong Mayo 2023, tiniyak ng administrasyon ni Pa­ngulong Ferdinand Marcos Jr., sa publiko na may nakalagay na coordinated at pro-active monitoring system para panatilihing nasa target ang presyo ng pagkain at enerhiya.

Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), lalong bumaba ang inflation sa 6.1% mula sa 6.6% noong Abril 2023.

Ito na ang pinakamababang year-on-year inflation rate mula Hulyo 2022 na nagdadala ng year-to-date ang average na inflation sa 7.5 percent.

Ang patuloy na paghina ng inflation ay dahil sa mas mabagal na inflation ng pagkain at transportasyon.

Nangungunang dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation ay ang mas mabagal na paggalaw sa presyo ng transport partikular sa pagbaba ng presyo ng gasolina at diesel.

Pangalawa sa nakaambag ang pagbagal ng presyo ng food and non-alcoholic beverages na may 7.4% inflation kabilang ang dilis, manok at itlog.

Ikatlo pa sa nakaambag ay ang pagbagal sa paggalaw ng presyo ng restaurant at accomodation services na may 8.3% inflation.

“Kami ay kumpiyansa na makakamit namin ang inflation target ng gobyerno ngayong taon habang kami ay nakikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa pagsubaybay sa mga pangunahing dahilan ng inflation,” pahayag ni NEDA Secretary Arsenio M. Balisacan.

Noong Mayo 26, 2023, nilagdaan ni Pangulong Marcos, ang Executive Order No. 28, na lumikha ng Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO).

Nilalayon ng komiteng ito na pahusayin ang koordinasyon ng pamahalaan sa pamamahala ng inflation at pagaanin ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Idinagdag pa ng NEDA chief na ang komite ay nagbabantay hindi lamang sa mga kasalukuyang uso at datos sa lokal at internasyonal na mga presyo kundi pati na rin ang antas ng domestic production, import arrivals, climate outlook, at iba pang nauugnay na impormasyon sa supply at demand para sa mga pangunahing bilihin.

“Habang ang mga pa­nganib sa inflation outlook ay nakasandal sa pagtaas dahil sa mga potensyal na pagtaas sa mga pamasahe sa transportasyon, pagsasaayos ng sahod, mas mataas na singil sa kuryente, at mga lokal na presyo ng mga panguna­hing pagkain na nagreresulta mula sa epekto ng El Niño, ang gobyerno ay nagsusumikap na ipatupad ang kinakailangang mga interbensyon habang nilalayon naming panatilihing mababa at matatag ang mga presyo para sa mga Pilipinong mamimili,” ani Balisacan.

Upang mapagaan ang epekto ng El Niño sa seguridad ng pagkain, inirere­komenda ni Balisacan ang pagtiyak ng sapat na supply ng mga pang-agrikultura na input, paglalagay ng mga bomba, pagtataguyod ng maagang pagtatanim sa mga lugar na malamang na makaranas ng kakulangan sa tubig sa mga darating na buwan, at pag-maximize ng produksyon sa mga lugar na hindi nanganganib.

LATEST

LATEST

TRENDING