MANILA – Nais ng tatlong miyembro ng Kamara de Representantes na mabigyan ng 14th month pay ang lahat ng mga empleyado ng gobyerno pati na sa pribadong sektor.
Sa inihaing House Bill No. 8361, iginiit nina Rep. Paolo Duterte, Eric G. Yap, at Edvic G. Yap na nararapat lamang ibigay sa mga empleyado ng gobyerno at pribadong sektor ang 14th month pay anuman ang kanilang status sa trabaho.
Makakatulong anila ito bilang pandagdag sa gastos ng pamilya lalo na kung paparating ang Pasko.
Inirekomenda rito na ang 13th month pay ay ibibigay bago o pagsapit ng Mayo 31 habang ang 14th month pay ay tuwing bago o sa mismong araw ng Nobyembre 30.
Sa pamamagitan ng 14th month pay, pinaliwanag ng tatlong kongresista na mabibigyan ng pagkilala ang kontribusyon ng Filipino workforce at mapapataas ang kanilang morale, motibasyon at pagiging produktibo.
Hiniling pa nila na dapat ay exempted sa buwis ang 14th month pay, maliban na lamang kung lalagpas na sa P90,000 ang halaga base sa isinasaad sa umiiral na batas.