MANILA — Patuloy ang pagtaas ng bilang ng rockfall events na naitatala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Bulkang Mayon sa Bicol.
Batay sa 24 hr. monitoring ng Phivolcs, aabot sa 74 rockfall events ang naitala sa bulkan.
Wala namang naitalang volcanic earthquake habang nananatiling mababa ang gas output o ang ibinubugang asupre ng bulkan na umabot lamang sa 208 tonelada. Mas mababa ito sa baseline average na 500 tonelada kada araw.
Nakapagtala rin ang Mayon ng pagsingaw ng usok na may 200 metro ang taas habang patuloy rin ang pamamaga ng bulkan.
Sa ngayon ay nakataas pa rin sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon.