Comelec: Voters registration hanggang ngayon na lang

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kuwa­lipikado nang mga Pilipino na magpatala ngayong huling araw ng voters re­gistration para sa darating na Barangay at Sanggu­niang Kabataan Elections sa Oktubre.

Disyembre 12, 2022 nang buksan ng Comelec ang voter’s registration na nakatakdang magtapos ngayong Enero 31, 2023.  Wala namang plano ang Comelec na palawigin pa ito dahil sa sapat na umano ang panahon na ibinigay para sa mga first time voters na magparehistro.

Sa kabuuan, nasa 2,085,142 sari-saring aplikasyon na ang natanggap ng Comelec. Sa naturang bilang, nasa 1,248,607 ang natanggap nilang aplikasyon para sa “new re­gistration”.

Nasa 582,299 ang mga nasa edad 15-17 na maaaring makaboto sa SK elections, nasa 534,553 naman ang may edad 18-30 at 117,970 ang may edad 31-pataas.

Nasa 637,424 aplikasyon para magpalipat ng rehistrasyon kasama na ang pagbabago sa kanilang mga entries ang natanggap din ng Comelec, habang nasa 100,104 aplikasyon para sa “reactivation” ang naitala.

Samantala, inaasahan na dadagsa ngayong Martes ang mga hahabol para sa rehistrasyon. Kung magkakaroon umano ng mahabang pila, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na kailangan na mag-extend ng working hours ang kanilang mga tanggapan para matanggap lahat ng aplikasyon at maubos ang mga nasa pila.

LATEST

LATEST

TRENDING