OCTA: Covid-19 positivity rate ng Pilipinas, 2.8% na lang

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Bumaba pa sa 2.8% na lamang ang nationwide COVID-19 positivity rate ng Pilipinas.

Ang positivity rate ay iyong porsiyento ng mga tao na nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.

Base sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, naitala ng Department of Health (DOH) ang 2.8% na nationwide positivity rate nitong Sabado, Enero 21, 2023.

Ito ay bahagyang mas mababa sa 2.9% na COVID-19 positivity rate na naitala sa bansa noong Enero 20, 2023.

Samantala, iniulat din ni David na nito ring Enero 21, 2023 ay nakapagtala pa ang DOH ng 225 mga bagong kaso ng sakit, sanhi upang umakyat na sa 4,071,540 ang total COVID-19 cases ng bansa.

Sa naturang bilang, 10,555 na lamang naman ang nananatili pa ring aktibong kaso o yaong mga nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

Mayroon din aniyang naitalang anim na pasyente na sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa naturang karamdaman, kabilang ang dalawa mula sa National Capital Region (NCR), sanhi upang umakyat na sa 65,680 ang total COVID-19 deaths ng bansa.

Mayroon din namang 375 pasyente ang iniulat na nakarekober na mula sa karamdaman. Sa ngayon ang total COVID-19 recoveries ng bansa ay naitala sa 3,995,305.

Sa pagtaya ni David, maaaring makapagtala pa ang bansa ng mula 150 hanggang 250 bagong kaso ng sakit nitong Linggo, Enero 22, 2023.

LATEST

LATEST

TRENDING