Comelec, ilalaban ang dagdag honoraria sa mga guro sa Barangay at SK elections

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Ilalaban umano ng Commission on Elections (Comelec) ang pagbibigay ng dagdag na honoraria sa mga guro na magsisilbi bilang board of election inspectors sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ipapakiusap nilang muli sa Kongreso na maglaan ng supplemental budget upang madagdagan ang honoraria ng mga guro.

“Talagang ipupursige ng Commission on Elections na mabigyan sila ng dagdag na honoraria. ‘Yan po ay ating ipakikiusap sa Kongreso kapag tayo nakiusap sa kanila para supplemental budget para sa barangay at SK elections,” saad ni Garcia.

“‘Yan ang ating pana­wagan at sana tayo’y mapakinggan sa bagay na ‘yan [para sa] kapakanan ng ating guro. Mas mahirap ang trabaho kapag Barangay at SK elections dahil hindi automated. Mano-manong binibilang ng ating guro ang mga balota,” aniya pa.

Ayon kay Garcia, sa ilalim ng orihinal na rate, ang mga Electoral Board chairpersons ay tatanggap ng P6,000; P5,000 naman para sa Electo­ral Board members; at P4,000 para sa precinct workers.

Matatandaan na sinus­pinde ng Kongreso ang BSKE elections na dapat ay idinaos nitong nakalipas na Disyembre. Dahil dito, hiniling ng Comelec na magdagdagan ng P10 bilyon ang orihinal na P8.4 bilyong budget ng natu­rang halalan.

Ngunit tanging P2.7 bilyon lamang ang nai­dagdag sa kanila na sasapat lamang umano para bayaran ang orihinal na honoraria ng mga guro.

Kaya umano muling dudulog ang Comelec sa Kongreso para sa dagdag na budget para maitaas ang honoraria ng mga guro.

LATEST

LATEST

TRENDING