DOJ, ibinasura ang kasong murder vs 17 pulis

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) pro­secution panel ang kasong murder na isinampa laban sa 17 tauhan ng Philippine National Police (PNP) na inakusahang sangkot sa pagpaslang sa labor leader na si Manny Asuncion sa Cavite noong Marso 6, 2021.

Sa resolusyon na tinanggap ng asawa ni Asuncion na si Liezel nitong Enero 16, dinismis ng DOJ panel sa pangunguna ni senior assistant state prosecutor Rodan Parrocha ang kasong murder dahil sa kakulangan sa ‘probable cause’ laban sa 17 miyembro ng Rizal PNP at Laguna PNP.

Kabilang sa mga akusado sina PLt Elbert Santos, PLt Shay Jed Sapitula, PSMS hector Cardinal, PMSSg Ariel Dela Cruz, PSSg Jemark Sajul, PCpls Ernie Ambuyoc, Mark John Defiesta, Arjay Garcia, ­Caidar Dimacangun, Bryan Sanchez, Ericson Lucido, Pats Jayson Maala, Juan Plite, Jonathan Tatel, Prince Benjamin Torres, Jaime Turingan at Lopera Rey PJ Dacara.

Nabatid na maghahain umano ng search warrant ang mga pulis sa opisina ni Asuncion sa Dasmariñas, Cavite ng naturang petsa nang maganap ang barilan na nagresulta sa pagkakapaslang sa biktima.

Sinabi ng mga pulis na nanlaban umano si Asuncion habang iginiit ng kampo ng biktima na nilooban umano sila ng walang ipinapakitang warrant.

“We lament the demise of Emmanuel Asuncion. However, complainant and the evidence she submitted failed to discharge the obligation to prove the ­existence of a crime and identify the perpetrators thereof. In the absence of proof, there could be no probable cause to charge the respondents,” ayon sa 23-pahinang desisyon ng DOJ panel.

Katwiran ng mga pro­secutor, hindi nakapagpakita ng matibay na ebidensya si Liezel sa kaniyang alegasyon laban sa mga pulis nang hindi matukoy ang pagkakakilanlan sa mga assailants dahil sa mga nakasuot umano ng ski masks.

Dagdag pa dito ang pag-amin ni Liezel na hindi niya nakita kung sino ang bumaril sa kaniyang mister dahil nasa labas siya ng bahay nang marinig ang putok ng baril.

LATEST

LATEST

TRENDING