PAGASA: Wala nang tropical depression ang inaasahan hanggang sa katapusan ng taon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Ang isang low pressure area (LPA) na matatagpuan 100 kilometro timog-silangan ng Guiuan, Eastern Samar ay hindi na magiging tropical depression ngunit patuloy na magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan, ipinahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes.

“Based on our analysis, this (LPA) will no longer develop into tropical depression. So, we are not anymore expecting any tropical depression until the end of 2022,” inihayag ni Beneson Estareja ng PAGASA sa 6 a.m. weather report.

Gayunpaman, aniya, magdadala ang LPA ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog, partikular sa mga rehiyon ng Mimaropa, Calabarzon, Bicol, Eastern at Western Visayas.

Ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora ay magkakaroon din ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mahinang pag-ulan dulot ng northeast monsoon o ‘amihan.

Ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa trough ng LPA at mga localized thunderstorms.

Ang hilagang at silangang bahagi ng Luzon at silangang bahagi ng Visayas ay magkakaroon ng katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa hilagang-silangan hanggang hilaga, at katamtaman hanggang sa maalon na karagatan.

Ang temperatura ay nasa pagitan ng 20.5 °C at 29.0 °C.

LATEST

LATEST

TRENDING