Marcos, tiwala na walang recession sa Pilipinas sa gitna ng mataas na inflation

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

MANILA — Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi mauuwi sa “recession” ang Pilipinas sa gitna ng mabilis na pagtaas ng presyo ng bilihin sapagkat ang kawalang trabaho sa bansa ay bumababa naman daw.

Martes nang ibalitang umabot na sa 8% ang inflation rate sa Pilipinas, na pinakamataas sa lagpas 14 taon. Ito ay nangyari kasabay ng pagsadsad ng unemployment rate sa 4.5%, ang pinakamababa sa 17 taon.

“Kaya’t kahit papaano, malakas ang loob nating hindi tayo magkakaroon ng recession dito sa Pilipinas dahil masyadong mababa ang unemployment rate,” sabi ng presidente ngayong Huwebes.

“Kung maaalala ninyo, sa pagsimula namin dito sa administrasyong ito, ay pinag-usapan na namin ay trabaho talaga ang aming uunahin.”

Ang pagbaba ng unemployment rate ay ipinagmamalaki ni Marcos Jr. kahit bumaba naman talaga ang aktwal na bilang ng mga taong may trabaho nitong Oktubre sa 47.11 milyon, bagay na pagkaonti kumpara sa 47.38 milyon noong Hulyo.

Ang bilang ng Pilipinong naghahanap ng dagdag na oras sa trabaho (underemployed) upang mapataas ang kita sa gitna ng pagtataas ng presyo ng bilihin ay nadagdagan din ng 130,000 sa bilang na 6.67 milyon.

“Gumagawa kami nang marami pang ibang paraan para maging mas magaang sa bulsa ng ating mga kababayan itong napakabilis na pagtaas ng presyo ng kung anu-anong mga bilihin,” sabi pa ni Bongbong.

“Asahan ninyo na lahat ng paraan na maari nating gawin ay gagawin natin para pababain ang inflation rate at gawing mas mabagal man lang ang pagtaas ng presyo.”

Bagama’t ilang-ulit nang tumataas ang presyo ng bilihin, hindi tumataas ang minimum na sahod na siyang nagpapababa sa tunay na halaga ng huli (real wages). Kumokonti kasi ang nabibili ng parehong sahod sa gitna ng inflation.

Nanatiling hanggang P570/araw lang ang minimum na pasahod sa Metro Manila simula pa noong Hunyo 2022. Malayong-malayo ito sa P1,140/araw na “family living wage” na iniulat ng IBON Foundation para sa buwan ng Nobyembre.

LATEST

LATEST

TRENDING