Marcos, Gabinete pinag-usapan ang digital governance, pagpapagaan ng mga restriction

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Tinalakay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos at ng kanyang Gabinete nitong Martes ang mga inisyatiba ng pamahalaan na i-automate ang mga serbisyo at mga planong higit pang iluwag ang mga paghihigpit sa paglalakbay sa bansa.

Sinabi ng Office of the Press Secretary (OPS) na ang paglipat sa digital governance, gayundin ang pagpapatupad ng health protocols at ang pagpapagaan ng travel restrictions sa gitna ng umiiral na coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic ay kabilang sa agenda ng Cabinet meeting na ginanap sa Malacañan Palace.

“Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos ngayong araw sa kanyang gabinete upang talakayin ang pag-usad ng mga plano ng administrasyon, kabilang na ang pagpapabuti ng pampublikong serbisyo sa pamamagitan ng digital na pamamaraan,” isinaad ng OPS sa isang Facebook post.

“Pinag-usapan din sa miting ang health protocols ng bansa pagdating sa pagbiyahe at ang panukalang gawing mas maluwag ang travel restrictions sa bansa,” dagdag nito.

Inihayag ni Undersecretary Cheloy Garafil, officer-in-charge ng OPS, noong Lunes na iuutos ng gobyerno ang paggamit ng electronic arrival (eArrival) card, isang scan-and-go system sa mga paliparan sa bansa simula Nobyembre 1 ngayong taon.

Simula Nobyembre 1, hihilingin ng Bureau of Quarantine (BoQ) ang lahat ng papasok na manlalakbay na kumuha ng eArrival card sa loob ng 72 oras bago sila umalis sa kanilang bansang pinagmulan.

Maaaring makakuha ng eArrival card ang mga darating na biyahero sa pamamagitan ng pagbisita sa website na onehealthpass.com.ph o sa pamamagitan ng pag-scan sa QR code na nakasaad sa poster na inilabas ng Department of Health (DOH).

Ang paggamit ng eArrival Card ay magpapaginhawa sa paglalakbay sa bansa, dahil aalisin nito ang mga hindi kinakailangang impormasyon na nasa sistema ng One Health Pass.

Tinitingnan ng gobyerno ng Pilipinas ang higit pang pagluwag ng mahigpit na entry protocols ng bansa upang makaakit ng mas maraming turista.

Hinikayat ni Marcos, sa kanyang lingguhang vlog na inilabas noong Oktubre 22, ang mga Pilipino na tuklasin ang kagandahan ng Pilipinas upang pasiglahin ang paglago ng ekonomiya.

Binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangang isulong ang lokal na turismo upang makabuo ng mas maraming aktibidad sa ekonomiya sa bansa.

Nangako rin siya na patuloy na dadalo sa mga aktibidad na pang-promosyon sa turismo sa mga lalawigan at gagawing mas maraming probinsiya ang mapupuntahan ng mga manlalakbay.

Sinabi niya na siya ay magtitiyaga sa pagtataguyod ng Pilipinas bilang isang destinasyon na handang tanggapin ang mga lokal at dayuhang manlalakbay.

LATEST

LATEST

TRENDING