Mga bangko ng gobyerno, nangakong susuportahan ang pinaigting na mass housing program

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA — Ang mga malalaking institusyong pampinansyal ng gobyerno, kabilang ang Land Bank of the Philippines (LBP) at ang Development Bank of the Philippines (DBP) ay nangako na susuportahan ang pinaigting na mass housing program ng bagong administrasyon, inihayag ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Sa isang pahayag na inilabas kahapon, sinabi ng DHSUD na ang LBP, DBP at ilang pribadong bangko ay nagpahayag na ng kanilang suporta sa mass housing program ng gobyerno sa kani-kanilang mga pagpupulong kay Human Settlements Secretary Jose Rizalino Acuzar.

Nauna nang inihayag ng DHSUD ang plano nitong magtayo ng isang milyong housing units kada taon hanggang 2028 para tugunan ang housing backlog ng bansa na 6.5 milyon.

Sinabi ni Acuzar na ang parehong pampubliko at pribadong institusyong pampinansyal ay gaganap ng isang mahalagang papel sa pagtugon sa dalawang pangunahing hamon sa sektor ng pabahay –affordability at pag-access sa mga pondo.

Government financial institutions, even private banks, are clearly pillars in the financial structure we have prepared to address the housing needs of the Filipinos in a sustainable way,” isinaad ni Acuzar.

Sa kanyang kamakailang pagpupulong kay Acuzar, sinabi ni LBP president at chief executive officer Cecilia Borromeo na handa ang LBP na lumahok sa iba’t ibang proyekto ng pabahay ng gobyerno sa pamamagitan ng “bagong financial scheme na magtitiyak ng mga pakinabang para sa mga benepisyaryo, local government units at financial institutions.”

We would be very happy to work with DHSUD for this program. We just need more details on how we can formally participate,” wika ni Borromeo.

Samantala, sinabi ng DHSUD na ang DBP ay nagpahayag ng partikular na interes sa pag-aalok ng development loan bilang paunang probisyon para sa mga proyektong itatayo ng mga developer o local government units (LGUs).

The crafted financial structure will ensure a closed-loop movement of cash and funds in the money market. This will include development loans and tax subsidies or housing interest support to attract more players,” wika ni Acuzar.

Muli niyang iginiit na ang planong pampinansyal ng DHSUD ay naglalayong pakilusin ang mas maraming pribadong kasosyo, tulad ng mga developer, bangko at iba pang institusyong pampinansyal upang mamuhunan sa produksyon ng pabahay.

Noong nakaraang linggo, sa deliberasyon ng House committee on appropriations sa P4.049-bilyong iminungkahing badyet ng DHSUD para sa 2023, sinabi ni Acuzar na ang ahensya ay nakatakdang magtayo ng isang milyong housing units kada taon hanggang 2028.

Sinabi ni Acuzar na ang pinaigting na mass housing production ay naaayon sa target ni Pangulong Marcos na zero informal settler families sa pagtatapos ng kanyang termino.

Inamin niya na ang DHSUD ay orihinal na humiling ng P95.9-bilyong budget para sa susunod na taon, ngunit P4.049 bilyon lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management, na mas mababa ng 48 porsiyento kaysa sa 2022 budget nito na P7.6 bilyon.

Gayunpaman, tiniyak ni Acuzar sa mga mambabatas na ang mas mababang badyet ng ahensya para sa susunod na taon ay hindi makakaapekto sa planong pagtatayo ng paunang isang milyong housing units, dahil ito ay tutustusan sa pamamagitan ng kapital mula sa mga bangko at iba pang institusyong pinansyal ng gobyerno.

Aniya, ang mga LGU ay tutulong din sa pagpapatupad ng mga proyektong pabahay, lalo na sa pagtukoy sa mga benepisyaryo gayundin sa mga pinakamahusay na contractor at developer.

Samantala, nakita naman ni Acuzar ang pagdinig bilang isang pagkakataon para humingi sa mga mambabatas ng hiwalay na P36 bilyon para pondohan ang interest subsidy para sa unang isang milyong housing units na itatayo sa susunod na taon.

Aniya, sa P36 billion interest subsidy, ang mga housing recipient ay magbabayad lamang ng principal at isang porsiyento ng interes habang ang natitirang interes ay sasagutin ng gobyerno.

Samantala, sa kaparehong budget hearing, sinabi ni DHSUD Assistant Secretary for support services Avelino Tolentino na kailangang palakasin ang pagtatayo ng pabahay, dahil inaasahang tataas pa rin ang backlog mula 6.5 milyon sa pagtatapos ng 2022 hanggang 10.9 milyon sa pagtatapos ng 2028.

LATEST

LATEST

TRENDING