Pacquiao tanggap na ang pagkatalo kay Marcos Jr.

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Tanggap na ni Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao ang pagkatalo sa karera ng pagkapangulo sa nangunguna na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngunit nangakong patuloy na maglilingkod sa mga mahihirap na Pilipino.

“Bilang isang boxer at atleta, marunong akong tumanggap ng pagkatalo. Sana lang kahit talo ako sa laban na ito, panalo pa rin yung mga kapwa ko Pilipino – iyong mga naghihirap. Huwag po kayong mawalan ng pag-asa dahil hinding-hindi po kayo pababayaan ng Panginoon,” aniya sa isang video statement na nai-post sa Facebook noong huling bahagi ng Martes.

Batay sa pinakahuling partial at unofficial count ng Commission on Elections, si Pacquiao ay nasa ikatlong puwesto sa mga piniling kandidato sa pagkapangulo, na sumunod kay Marcos at Vice President Leni Robredo.

Muling iginiit ni Pacquiao na ang kanyang desisyon na tumakbo bilang pangulo ay bunsod ng kanyang “sukdulan na pagnanais na maglingkod sa bansa at maiangat ang buhay ng mga mahihirap na Pilipino.”

The people have spoken. Tapos na ang halalan kaya bigyan naman natin ng pagkakataon ang pagkakaisa para sa kapayapaan at kaunlaran ang ating bansa,” ani Pacquiao, habang ipinagdarasal niya ang tagumpay ng susunod na administrasyon.

Umaasa rin siyang mabibigyang-pansin ni Marcos ang pangangailangan ng mga mahihirap.

Sinabi ni Pacquiao na bibigyan niya ng oras ang kanyang sarili at tututukan ang kanyang pamilya pagkatapos ng nakakapagod na tatlong buwang kampanya ngunit nangakong itutuloy ang kanyang misyon na tulungan ang mahihirap sa pamamagitan ng kanyang Manny Pacquiao Foundation.

“Hinding-hindi ko tatalikuran ang pagseserbisyo para sa bayan at para sa mga kasama kong mahihirap. Patuloy po nating mahalin ang Pilipinas. Sama-sama po natin iangat ang dangal ng bawat Pilipino,” aniya.

Ang iba pang kandidato sa pagkapangulo na sina Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Senador Panfilo Lacson, at Partido Lakas ng Masa standard-bearer Leody de Guzman ay tinanggap na rin sa pagkatalo sa karera.

Binati ni Domagoso si Marcos sa pagiging top choice ng mga botanteng Pilipino at sa patuloy na pamumuno sa halalan sa malawak na margin.

Hinimok niya ang publiko na iwasan ang anumang pagtatangka ng destabilisasyon na may kaugnayan sa halalan.

“Hindi po magtatagumpay ang mga bagong halal ng bayan kung tayong mga mamamayan ay hindi makikiisa,” wika ni Domogoso sa kanyang Facebook video post, habang hinimok niya ang publiko na bigyan ng pagkakataon ang susunod na administrasyon na pamahalaan ang bansa.

Sinabi ni Lacson, na may dalawang buwan pa bilang senador, na maglalaan siya ng mas maraming oras sa kanyang pamilya.

Samantala, pinasalamatan ni Robredo ang lahat ng mga boluntaryo at tagasuporta na nakiisa sa kampanya para sa kanyang kandidatura.

Hindi pa malinaw kung nag-concede na si Robredo sa karera nang sabihin niyang, “Palinaw na nang palinaw ang tinig ng taumbayan.”

“Walang nasayang, hindi tayo nabigo. Pinakamahalaga, hindi pa tayo tapos. Nagsisimula pa lang tayo. May landas na nagbukas, at hindi ito sasara kasabay ng mga presinto. May kilusang isinilang at hindi ito papanaw sa pagtatapos ng bilangan,” sinabi niya sa isang pahayag noong Martes.

LATEST

LATEST

TRENDING