Duterte nagbabala sa PNP, AFP: Maging handa para sa Russia-Ukraine war spillover

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Huwebes sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ihanda ang kanilang mga sarili para sa posibleng spillover sa Asya ng nagaganap na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sa graduation rites ng PNP Academy “Alab-Kalis” Class of 2022 sa Silang, Cavite, sinabi ni Duterte na nakipagpulong siya sa mga opisyal ng pulisya at militar upang bigyan sila ng babala sa posibleng spillover ng Russia-Ukraine conflict sa Pilipinas.

“Nagwa-warning lang ako that things might go overboard. Itong gulo na ‘yun. Isang pagkakamali diyan, may problema na tayo,” wika niya.

Hindi idinetalye ni Duterte ang kanyang kamakailang talakayan sa mga opisyal ng PNP at AFP, ngunit sinabi niya na inutusan niya ang militar ng Pilipinas na maging “handa” sakaling magsimula ang Russia ng digmaang nukleyar laban sa Ukraine.

“Kaya sinabi ko, tinawag ko ‘yung PNP pati yung armed forces. Sinabi ko kapag magulo na, trabaho na ng pulis pati army iyan, the Armed Forces of the Philippines. Be ready for that,” giit niya.

Nagbigay ng babala si Duterte, dahil iniisip niya na may posibilidad na lumala ang krisis sa Russia-Ukraine.

Inulit niya na ito ay isang “malubhang problema,” kung sakaling palakasin ng Russia ang opensiba nito laban sa Ukraine sa pamamagitan ng paggamit ng mga sandatang nuklear.

“Kaya pag ganoong magulo, it’s war. We may be dragged into or something might really happen also kasi kasama-kasama iyan eh. Inyong problema na,” wika niya. “Kung hindi mangyayari, magpasalamat tayo sa Diyos.

Pinuri ang mga tropa

Gayunpaman, pinuri ni Duterte ang mga tropa ng Pilipinas sa pagtupad sa kanilang mandato na paglingkuran at protektahan ang bansa, sa kabila ng mga pandaigdigang hamon kamakailan.

I commend you for remaining true to your mission to keep citizens safe amidst the recent struggles and uncertainties that the world is facing,” aniya.

Noong Abril 8, nagsagawa ng virtual meeting si Duterte kay Chinese President Xi Jinping sa gitna ng pagsalakay ng Russia sa Ukraine at ang kanilang pag-aalala sa posibleng spillover ng digmaan sa Asia.

Nagpahayag sina Duterte at Xi ng pag-asa para sa mapayapang pag-aayos ng hidwaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ayon sa mga pagtatantya ng United Nations, humigit-kumulang 2,072 sibilyan ang napatay at 2,818 ang nagtamo ng mga pinsala sa Ukraine sa gitna ng digmaan.

Mahigit 4.9 milyong Ukrainian ang tumakas sa ibang bansa, na may higit sa pitong milyon pang internally displaced, sinabi ng UN refugee agency.

LATEST

LATEST

TRENDING