Palasyo: Posibleng pag-endorso ni Duterte sa prexy bet ‘game-changer’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Inaasahan ng publiko kung sinong kandidato sa pagkapangulo ang ieendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil anumang suportang magmumula sa kanya ay magiging “game-changer”, sinabi ng Malacañang noong Miyerkules.

Inamin ni acting presidential spokesperson Martin Andanar na siya mismo ay naghihintay din kung sino ang ieendorso ng Pangulo matapos magpahayag ng suporta sa kandidatura ng presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pamamagitan ng isang resolusyong nilagdaan noong Marso 21.

I’m happy for the President that —maraming nagtatanong, maraming nag-aabang, kasi nga it’s a game-changer kapag si Presidente ang nag-endorse,” wika ni Andanar sa isang press briefing ng Palasyo.

Inaasahang dadalo si Duterte sa campaign rally ng PDP-Laban sa Lapu-Lapu City Cebu sa Huwebes.

Sinabi ni Andanar na wala siyang kaalam-alam kung sino sa mga kandidato ang humingi ng endorsement kay Duterte dahil hindi siya pisikal na naroroon sa katatapos na Talk to the People at mini Cabinet meeting ni Duterte noong Martes ng gabi kung saan maaaring ito ay napag-usapan.

Nang tanungin kung ang pulong ng Gabinete ni Duterte noong Martes ang huli niya, sinabi ni Andanar na maraming “unfinished business” ang dapat asikasuhin ng Pangulo.

“Palagay ko, hindi pa, tuluy-tuloy si Presidenteng magtatrabaho. Marami pa siyang unfinished business tulad nitong sa NTF-ELCAC, tulad ng ating pagbangon mula sa negative effects ng Covid-19 at iyong pagsiguro na mayroon tayong clean, fair and honest elections this coming May 2022,” dagdag niya.

Sa kanilang resolusyon noong Marso 21, sinabi ng PDP-Laban na ang desisyon na iendorso si Marcos ay ginawa pagkatapos ng “maingat at lubusang” deliberasyon ng national executive committee nito.

Ayon sa naghaharing partido ni Duterte, si Marcos ang “kandidato na ang pananaw sa pamamahala ay pinakanaaayon sa 11-point agenda ng PDP-Laban.”

Nauna nang kinumpirma ni Andanar na nagkaroon ng “magiliw at produktibo” na pagpupulong sina Duterte at Marcos Jr. isang araw bago hayagang inendorso ng administration party na PDP-Laban ang kandidatura ni Marcos.

Sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go na ang pagpupulong nina Duterte at Marcos ay isa sa mga naging dahilan ng PDP-Laban wing endorsement, bukod pa sa iba’t ibang pag-uusap at konsultasyon ng mga miyembro nito.

Ibinahagi din aniya ni Duterte kay Marcos ang kanyang mga karanasan bilang pangulo ng bansa at ang kanyang pagnanais na ipagpatuloy ng kanyang kahalili ang kanyang mga polisiya at programa.

Inendorso ng political party ni Marcos, ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP), ang kandidatura ng presidential daughter na si Sara Duterte bilang kanyang running mate sa halalan ngayong taon.

Si Sara ay tumatakbo bilang bise presidente sa ilalim ng Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).

LATEST

LATEST

TRENDING