Palasyo: Ang pahayag ni Duterte vs. 5 party-lists nakabatay sa ‘intel’ report

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Ayon sa Malacañang, may “batayan” si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang pahayag kamakailan na hindi bababa sa limang party-list groups ang nakipag-alyansa sa Communist Party of the Philippines (CPP).

Ito, matapos ihayag ni Duterte na ang mga party-list Kabataan, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela ay nakikipagsabwatan sa CPP para siraan ang gobyerno.

Sa isang virtual Palace press briefing, sinabi ni acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar na ang pahayag ni Duterte laban sa limang party-list group ay batay sa ulat ng intelligence community.

“Alam naman natin na ang Pangulo ay may access sa lahat ng impormasyon, kasama na ang sensitive information mula sa intelligence community. Naniniwala kaming may basehan po ang mga ito,” wika ni Andanar.

Sa kanyang prerecorded Talk to the People na ipinalabas noong Martes ng gabi, sinuportahan ni Duterte ang pahayag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson para sa sectoral concern at Communications Undersecretary Lorraine Badoy laban sa mga party-list na tinawag niyang “KABAG”.

Sinabi ni Duterte na “tama” si Badoy sa kanyang pag-aangkin na ang Kabataan, ACT, Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela party-list ay mga “legal fronts” ng kilusang komunista.

Noong Lunes, sinabi ni Badoy na ang mga “KABAG” party-list, na pawang naghahangad na mahalal muli sa Mayo 9, 2022 na halalan, ay “masisira lamang ang ating minamahal na Pilipinas,” kung sila ay muling mahalal sa Kongreso.

Nanawagan din si Duterte sa mga Pilipinong botante na huwag iboto ang KABAG party-list groups.

“Huwag ninyong iboto iyan,” aniya. “Ulitin ko, itong KABAG — Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, Alyansa of Concerned Teachers (ACT), Gabriela, I agree with what they have sinabi sa about these organizations na coming in from sa likod, sneaked papasok ng Congress.

Sa panayam ng ABS-CBN News Channel (ANC) nitong Miyerkules, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na ang pahayag ni Duterte ay “malinaw na isang partisan, political ploy” para “sirain ang oposisyon nang maaga.”

Nang hilingin na sumagot sa pahayag ni Zarate, sinabi ni Andanar na ginawa ni Duterte ang pahayag upang protektahan ang mga kabataan, partikular ang mga estudyante sa kolehiyo, na iniulat na nire-recruit ng komunistang grupo.

“Itong sinabi ng ating Pangulo, ito’y dahil nais niyang maprotektahan ang mga mag-aaral na nasa kolehiyo na hinihikayat na sumali sa kanilang grupo,” wika ni Andanar.

Ang CPP-New People’s Army (NPA) ay nakalista bilang isang teroristang grupo ng Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at Pilipinas.

Pormal ding itinalaga ng Anti-Terrorism Council ang political wing ng CPP-NPA, National Democratic Front, bilang isang teroristang organisasyon noong Hunyo 23, 2021, na binanggit ito bilang “isang integral at hindi mapaghihiwalay na bahagi” ng CPP-NPA na nilikha noong Abril 1973.

LATEST

LATEST

TRENDING