Duterte sinusuportahan ang pahayag ni Badoy vs. 5 party-list na kaalyado ng CPP

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes na hindi bababa sa limang party-list group ang nagsisilbing “legal front” ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Inilabas ni Duterte ang pahayag, habang sinusuportahan niya ang pahayag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson for sectoral concerns at Communications Undersecretary Lorraine Badoy laban sa limang party-list na umano’y nakikipagsabwatan sa CPP.

Sa kanyang prerecorded Talk to the People na ipinalabas noong Martes ng gabi, sinabi ni Duterte na “tama” si Badoy na ang mga party-list group na Kabataan, Alliance of Concerned Teachers (ACT), Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela, o ang tinatawag na “KABAG,” ay nakikiisa sa komunistang grupo para pabagsakin ang gobyerno.

“Sabihin ko sa inyo, tama si Lorraine Badoy na itong mga party-list na Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers or ACT, at Gabriela, makita naman ninyo sa behavior nila,” wika ni Duterte. “Ang problema they are supporting, or they are really parang, legal fronts ng Communist Party of the Philippines.

Noong Marso 26, binuo ni Badoy ang terminong “KABAG” bilang acronym para sa mga party-list group na Kabataan, ACT, Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela na diumano ay napasok ng CPP.

Bago ang pahayag ni Badoy, binalaan ni Duterte noong Marso 21 ang publiko laban sa posibleng koalisyon sa pagitan ng komunistang grupo at iba’t ibang partidong politikal na pinamumunuan ng hindi pinangalanang presidential aspirant.

Ayon kay Duterte, hindi nakapagtataka na nakakuha ng suporta ang CPP mula sa limang party-list.

“Alam mo, they are, totoo iyan, nakapasok sila sa Congress. And no doubt about it. They have used the party-lists. Alam mo, bright kasi yung gumawa noon eh,” aniya.

Ikinalungkot din ni Duterte na ang mga party-list group na kaalyado ng CPP ay gumagamit ng pampublikong pondo para suportahan ang mga rebelde.

They were able to blossom into something. Matagal na ito. Ang problema, ginagamit nila ang pera, kinukuha nila ang pera ng gobyerno at binubuhay nila ang mga…They are supporting a bunch of [rebels],” wika niya.

‘Kontrolado ng mayayaman’

Bukod sa mga komunista, ang mga party-list group ay kontrolado rin ng mayayaman, ani Duterte.

Sinabi niya na kumikita ang mga komunista ng “bilyon” na piso sa pamamagitan ng kanilang iskema ng pangingikil laban sa mga construction firm at contractor.

“Alam mo, it’s a conspiracy, meron kang legal front, meron kang ano, party-list. But it is a conspiracy – the act of one, the act of all,” aniya.

Ang CPP-New People’s Army ay nakalista bilang isang teroristang organisasyon ng United States, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand, at Pilipinas.

Pormal ding itinalaga ng Anti-Terrorism Council ang political wing ng CPP-NPA, National Democratic Front, bilang isang teroristang organisasyon noong Hunyo 23, 2021, na binanggit ito bilang “isang integral at hindi mapaghihiwalay na bahagi” ng CPP-NPA na nilikha noong Abril 1973.

LATEST

LATEST

TRENDING