RITM: Self-administered test kits gumagamit ng nasal, saliva samples

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Ang paggamit ng self-administered Covid-19 test kits ay hindi nangangailangan ng mga healthcare worker sa pagsagawa ng nasopharyngeal o oropharyngeal swab collection.

Sinabi ni Research Institute for Tropical Medicine (RITM) Laboratory Chief Armando Tandoc III na ang mga test kits ay mangangailangan lamang ng nasal samples.

“Kapag po nasal, galing lamang po ito sa harapan o kaya hanggang gitnang bahagi ng ilong na maaaring kunin sa sarili o kung sa may kapansanan o sa mga bata ay maaaring kunin ng isang nakakatanda,” isinaad ni Tandoc.

Ang ilang mga test kit ay mangangailangan ng saliva samples, dagdag niya.

So, sa pagsagawa naman po ng test mismo, may mga instruction naman na susundin kung paanong ilagay iyong sample sa cartridge at kung gaano katagal iyong hihintayin bago magkaroon ng resulta,” wika niya.

Nauna rito, sinabi ng Department of Health na maglalabas ito ng mga alituntunin sa wastong paggamit ng self-administered o home test kits.

Noong Lunes, sinabi ng Food Drug Administration (FDA) na inaprubahan nito ang dalawang kit — ang “Panbio Covid-19 Antigen Self-Test” ng Abbott na makukuha sa mga kahon ng 1, 4, 10, at 20 tests at “SARS- CoV-2 Antigen Rapid Test” ng Labnovation na maaaring mabili sa mga kahon ng 2, 5, at 20 tests.

Bukod sa dalawang aprubadong kits, nag-endorso ang FDA ng 31 pang kits sa RITM.

Binigyang-diin ni Tandoc na ang mga gumagamit ng kit ay “dapat basahin at sundin nang mabuti” ang mga tagubilin.

“Kapag po kasi hindi nasunod ito mula sa pagkolekta hanggang sa paggawa ng test at pag-interpret dito, maaring makaapekto po sa accuracy,” aniya.

LATEST

LATEST

TRENDING