AFP medical teams naglunsad ng 3-araw na vax drive sa malalayong lugar

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Ang mga medical team ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay inatasan na bakunahan ang mga residente sa tinatawag na geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAS) para sa tatlong araw na national vaccination drive mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Sa isang panayam sa radyo noong Linggo, sinabi ni Col. Fatima Claire Navarro, AFP Surgeon General, na 25 medical teams sa iba’t ibang AFP unified commands ang ide-deploy, bukod sa 37 iba pang teams na inatasang magbigay ng manpower support sa mga civilian medical units.

“Naitalaga sa amin na maipaabot ang bakuna sa ating mga kababayan na nasa lugar na tinatawag nating ‘GIDAS’ or geographically isolated and disadvantaged areas ‘yan nga ‘yung mga isla, kabundukan, ‘yun pong kumunidad ng ating mga IPs (indigenous peoples),” aniya.

Sinabi ni Navarro na ang mga team ay maghahatid din ng mga medikal na suplay at materyales para magamit sa vaccination campaign.

Ang pambansang araw ng pagbabakuna, na tinatawag na “Bayanihan Bakunahan,” ay naglalayong magbigay ng 9 milyong jabs.

Upang makamit ang layunin na ganap na mabakunahan ang 54 milyong Pilipino sa pagtatapos ng taon, nagtakda ang gobyerno ng isa pang tatlong araw na inoculation drive mula Disyembre 15 hanggang 17.

LATEST

LATEST

TRENDING