Duterte inalis ang mandatoryong paggamit ng face shield sa Alert Level 1-3 areas

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong Lunes ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na alisin ang mandatoryong paggamit ng face shield sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 hanggang 3.

“Ang decision ko is okay, tanggalin nyo na yung [face] shields. Pwede na ninyong, you dispense with the shields but not the (face) mask,” isinaad ni Duterte sa kanyang prerecorded “Talk to the People”.

Sinabi ni Duterte na ang face mask ay mananatiling bahagi ng pang-araw-araw na hakbang sa kaligtasan “kasi matagal pa itong virus na nasa hangin lang.

Hinikayat niya ang publiko na tiyaking patuloy na bababa ang positivity rate ng Covid-19 sa bansa sa pamamagitan ng pagsunod sa health at safety protocols.

You have to obey what the government will tell you to do because it’s for the good of the country and for you. Sumunod lang kayo,” aniya.

Noong Lunes, naglabas ng memorandum si Executive Secretary Salvador Medialdea na nagdedetalye sa boluntaryong paggamit ng mga face shield sa mga lugar na medyo mababa ang antas ng alerto sa Covid-19.

Ayon sa memorandum, ang paggamit ng mga face shield sa labas ng komunidad ay mananatiling mandatory sa mga lugar na isinailalim sa Alert Level 5 at granular lockdown.

Para sa mga lugar sa ilalim ng Alert Level 4, ang mga local government unit at pribadong establisyimento ay binibigyan ng pagpapasya na panatilihin o tanggalin ang pagsusuot ng face shields policy.

Ang mga taong naninirahan sa mga lugar sa ilalim ng alert level 3, 2, at 1 ay maaaring kusang-loob na gumamit ng mga face shield bilang kanilang karagdagang proteksyon.

The above protocols are without prejudice to the continuing mandatory use of face shields in medical and quarantine facility settings, and the required use thereof by healthcare workers in healthcare settings,” ayon sa kautusan.

Ang IATF-EID noong Disyembre 14, 2020 ay naglabas ng Resolution 88, na nag-aatas sa lahat ng tao na magsuot ng face shield sa ibabaw ng mga face mask sa lahat ng pampublikong lugar upang makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Noong Hunyo ng taong ito, inutusan ni Duterte ang publiko na magsuot lamang ng mga face shield sa mga ospital ngunit agad na nagpasya na panatilihin ang orihinal na patakaran ng IATF-EID kasunod ng pagkakaroon ng mas nakakahawang Delta Covid-19 variant.

Kalaunan ay inanunsyo niya noong Setyembre ngayong taon na ang paggamit ng mga face shield ay limitado sa tinatawag na “3Cs,” na tumutukoy sa “closed and crowded spaces, and close contact.”

LATEST

LATEST

TRENDING