Duterte pormal na tinanggap ang nominasyon sa pagka-VP para ipagpatuloy ang nasimulan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Pormal na tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules ang kanyang nominasyon bilang opisyal na kandidato sa pagka-bise presidente ng naghaharing partido, ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), upang matiyak ang “pagpapatuloy” ng kanyang pagsisikap para sa kaunlaran ng bansa.

Pinasalamatan ni Duterte ang kanyang mga ka-partido sa kanilang “patuloy na pagtitiwala” sa kanyang pamumuno at sa pagpili sa kanya bilang kandidato bilang bise presidente ng partido sa pambansang kombensiyon ng PDP-Laban at proklamasyon ng mga kandidato nito para pambansa at lokal na halalan ngayong 2022.

No words can express my gratitude for your continued trust and confidence in my leadership and for nominating me as the party’s official vice presidential candidate in the 2022 elections,” sinabi ni Duterte sa kanyang pangunahing talumpati na inihatid sa San Fernando, Pampanga.

Pinunasan din ni Duterte ang kanyang luha, habang ipinahayag niya ang kanyang hangarin na magpatuloy sa paglilingkod sa bansa matapos ang kanyang pagkapangulo sa Hunyo ng susunod na taon.

Sinabi niya na tatakbo siyang bise presidente upang matiyak na ang pagsisikap ng kanyang administrasyon na alisin ang iligal na droga, terorismo, at katiwalian sa gobyerno ay magpapatuloy na magkabunga pagkatapos ng kanyang anim na taong panunungkulan.

“Alam mo kung bakit ako tatakbo ng vice presidency? Is it ambition? Maybe. But is it really a sense of love of country? Yes. Is it really because I want to see the continuity of my efforts even though I may not be the one giving the direction. Baka makatulong lang ako,” isinaad ni Duterte.

Umaasa si Duterte na hahayaan siya ng mga botanteng Pilipino na maglingkod muli sa kanila sa pamamagitan ng pagpili sa kanya sa susunod na taon bilang pangalawang nangungunang opisyal ng bansa.

I am hopeful that this will allow me to continue serving the Filipino people and lead the entire nation towards greater progress,” aniya.

Pagkamit ng ‘tunay, pangmatagalang’ kaunlaran

Sa pambansang kongreso nito sa Pampanga, pormal na inindorso ng PDP-Laban si Duterte bilang kanilang kandidato sa pagka-bise presidente.

Bukod kay Duterte, idineklara din ng PDP-Laban si Senador Christopher Lawrence Go bilang opisyal na kandidato sa pagkapangulo nito.

Inihayag din ng partido si Labor Secretary Silvestre Bello III, Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, Transport Secretary Arthur Tugade, at Leyte Rep. Lucy Torres-Gomez bilang opisyal na mga kandidato sa pagka-senador.

Ang mga panauhing kandidato sa pagka-senador ay kasama sina Presidential Spokesperson Harry Roque, Public Works Secretary Mark Villar, Presidential Anti-Corruption Commission chairperson Greco Belgica, at House Deputy Speaker Rodante Marcoleta.

Nanawagan si Duterte sa mga bagong proklamadong kandidato ng PDP-Laban para sa halalan sa susunod na taon na maghangad ng “tunay at pangmatagalang kasaganaan” para sa bansa.

Let me congratulate the party’s official candidates for the 2022 national and local elections. I trust that you will duly prepare for your future responsibilities as elected public officials. Regardless of the election results and even beyond the election period, I expect you to uphold the party’s principles and aspirations,” aniya.

Hinimok din sila ni Duterte na manatiling nagkakaisa at nakatuon sa pagpapahusay ng kalidad ng buhay para sa lahat ng mga Pilipino, partikular sa gitna ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemiya.

Sinabi din niya sa kanila na huwag pansinin ang ingay sa politika at ituon lamang ang paglilingkod sa publiko.

Let us not be hindered by those who only seek personal political gain and instead realign ourselves with the party’s objectives,” giit ni Duterte. “I am confident that with a strong resolve and solidarity we’ll once again claim victory in the upcoming elections.

LATEST

LATEST

TRENDING