Vaccination ‘schedule fixers’ pinaiimbistigahan ng PNP

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA – Iniutos ng Philippine National Police (PNP) Chief na si Gen. Guillermo Eleazar sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Martes na suriin ang iligal na operasyon ng mga “fixer” na humihingi ng bayad mula sa mga taong nais na mabakunahan kaagad sa pamamagitan ng paglipat ng kanilang iskedyul.

Inilabas ni Eleazar ang direktiba matapos ihayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto na dalawang fixer ang nahuli na humihingi ng bayarin kapalit ng pagpapahintulot sa mga tao na makuha ang Covid-19 na shot bago ang kanilang iskedyul sa programa ng pagbabakuna.

“Maaaring hindi lang sa Pasig nangyayari ang ganitong modus at dapat ay matuldukan agad ito. We will closely coordinate with our LGUs to prevent the proliferation of this modus,” sinabi ni Eleazar sa kanyang pahayag nitong Martes.

Umapela si Eleazar sa publiko na iwasang mabiktima ng iskema at hinimok silang matiyagang maghintay para sa nakaiskedyul nilang pagbabakuna.

Ang pagbabakuna ay walang bayad. Ang kailangan lang ng publiko ay magparehistro at maghintay para sa kanilang appointment.

“Tubuan naman sana ng kunsiyensiya ang mga fixers na ito at maawa sa ating mga kababayan. Marami ang nagnanais magpabakuna pero nararapat pa din sundin natin ang priority list sa pagpapabakuna. May dahilan po kung bakit sila priority sa listahan,” sabi niya.

Hinihimok ang publiko na mag-ulat ng anumang impormasyon tungkol sa mga vaccination fixer sa mga awtoridad sa pamamagitan ng iba’t ibang mga e-Sumbong platform ng PNP.

LATEST

LATEST

TRENDING