Drilon, muling binara si Bong Go sa plenaryo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Muling ipinamalas ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang kanyang pagiging beterano sa Senado laban sa mas nakababatang si Senador Bong Go noong Martes.

Pinuna ni Drilon si Go para sa kanyang naka-pending na mga hospital bills sa committee level sa loob ng 15 buwan. Si Go ang pinuno ng Senate Committee on Health and Demography.

“I examined the records and to my surprise, I found out that these measures we have been debating on have been pending in the Senate for 15 months dahil hindi ginagalaw ng komite. Bakit po inabot ng 15 buwan bago dalhin sa plenaryo?” giit ni Drilon sa kanyang interpellation speech.

Tugon naman ni Go, maraming “factors” umano ang naging dahilan kung bakit natengga nang 15 na buwan bago makaakyat ang nasabing mga panukalang-batas sa plenaryo.

“Di po natin pinapatulog po ito,” depensa ni Go.

Naghain ng manipestasyon si Drilon noong Martes matapos ang mahabang sponsorship speech ni Go sa plenaryo, kung saan umapela ito para sa agarang pagpapasa ng mga nasabing bills na layong magtayo o taasan ang bed capacity ng ilang lokal na mga ospital.

“Nasa health emergency po tayo, bakit po hirap tayong ipasa ito sa Senado? Kitang kita naman po sa pandemiyang ito na kulang na kulang talaga ang mga ospital natin. Maghintayan na lang ba tayo kung sino ang magtatayo ng mga ospital habang libu-libo na po ang namamatay sa Covid-19?” ayon kay Go.

“I’m not appealing for pity; I’m stating the reality,” dagdag pa ng senador.

Pinabulaanan naman ni Drilon ang mga akusasyong pinapatagal niya ang pagpapasa ng mga naturang panukalang batas.

Aniya, “So hindi po totoo Senador Go na pinapatagal ko po itong mga pagpasa nitong mga batas na ito?”

“Nasa pandemya po tayo Mr. President at ayaw po natin na may masayang na oras and I know you have a good heart to help our fellow Filipinos,” sagot naman ni Go kay Drilon.

Noong Mayo 20, nagkaroon ng mainit na debate sa pagitan nina Go at Drilon matapos madiskubre ni Drilon na dalawa sa local hospital bills ay maglilipat ng kontrol mula sa kanilang kinabibilangang local governments patungo sa national government. Ito ay taliwas sa Local Government Code of 1991, kung saan nagkaroon ng debolusyon sa healthcare system ng bansa.

Samantala, tinangka ni Go na wakasan ang plenary debates, ngunit nabigo ito matapos tanggihan ng mga senador.

LATEST

LATEST

TRENDING