DTI, tutol sa proposed mandatory vaccine passes para sa mga establisyimento

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) noong Linggo na tutol ito sa iminumungkahing mandatory requirement na vaccine pass bago makapasok sa mga establisyimento.

“Kami ho, hindi ho kami sang-ayon sa vaccine pass na gagawing mandatory… Hindi po siguro talaga puwede yun. May issue sa discrimination; pangalawa napakababa pa ng ating percentage na na-vaccinate na population,” giit ni DTI Secretary Ramon Lopez.

“Siguro 2 percent pa lang kasi over 2 million pa lang tayo (ng nabakunahan)… Kailangan pag-aralan yan pag medyo mataas na ang porsyento,” dagdag pa ng kalihim.

As of May 12, higit 12 milyong vaccine doses na ang naiturok sa bansa, ayon naman kay Vaccine czar Sec. Carlito Galvez, Jr. Higit 5.15 milyong doses pa umano ang hindi na nagagamit.

Samantala, hindi pa rin pinapayagan ng gobyerno ang muling pagbubukas ng entertainment, recreational, amusement, indoor sports, at indoor tourist attractions dahil sa posibilidad ng paghahawaan ng Covid-19 sa mga lugar na ito, ayon kay Lopez.

Posible naman umanong ikonsidera ng Inter-Agency Task Force against Covid-19 ang pagpapaluwag ng restrictions sa mga nagsipagbukas na establisyimento sa susunod na quarantine level.

Aniya, “Pagandahin nila ang ventilation sa lugar nila.”

Pinapaalalahanan din ang mga negosyo na magtalaga ng health protocol officers at committees upang matiyak ang pagsunod sa minimum health standards.

Noong nakaraang linggo, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal sa general community quarantine “with heightened restrictions” mula Mayo 15 hanggang 31.

LATEST

LATEST

TRENDING