Ilang grupo, nagsampa ng reklamo vs. NTF-ELCAC dahil sa red-tagging

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Joyce Balancio (ABS-CBN News)

Ilang grupo na kumakatawan sa health workers, mga empleyado ng pamahalaan, at mga guro, ang nagtungo sa Commission on Human Rights (CHR) noong Biyernes upang magsampa ng reklamo laban sa umano’y isinasagawang red-tagging ng kontrobersyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon sa mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), Alliance of Health Workers (AHW), and Confederation for Unity, at Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) na-“demoralize” sila nang iugnay ng NTF-ELCAC ang kanilang mga organisasyon sa komunismo.

Ayon kay AHW national president Robert Mendoza, naapektuhan ng pangyayaring ito ang kanilang tungkulin bilang health workers at frontliners ngayong panahon ng pandemiya.

Aniya, “Sinabi ni President Duterte na ang health workers ay tinatawag nating bagong bayani sa panahon ng pandemya, subalit ano ang sinasabi ng mga kasamahan natin sa gobyerno, nire-redtag ng NTF-ELCAC, so magkasalungat… Ang health workers instead na magbigay ng tamang serbisyo sa ating mga pasyente, nade-demoralize.”

Naging emosyonal din ang ilang mga guro dahil sa pagbibitang na kasapi sila sa kilusang komunista.

“Malaki ang nagiging problema sa pagharap sa online class sa mga estudyante, pero dinadagdag pa nila ito. Ang nais namin ay pagbibigay ng mataas na sahod, pagbibigay ng agarang benepisyo subalit ito ang binabalik nila, ito ang sinusukli nila,” ani Annariza Alzate ng ACT-NCR.

Binanatan naman ng ilang kawani ng gobyerno ang umano’y paglabag sa karapatang-pantao ng nasabing task force.

“Kung ang mga nasa security sector ay hindi alam kung ano ang batas sa karapatang pantao, eh ano po ang pinoprotektahan nila?” sabi ni COURAGE Secretary General Manuel Baclagon.

Muling pinaulanan ng pambabatikos ang NTF-ELCAC, lalo na ang tagapagsalita nitong si Lorraine Badoy at si Lt. Gen. Antonio Parlade, dahil sa pagbibintang sa ilang organizers ng community pantries bilang kasapi ng communist movement. 

Inihalintulad pa ni Parlade ang nag-organisa sa Maginhawa community pantry kay “Satanas,” kung saan nauwi ito sa panawagan ng ilang senador na ipasibak si Parlade mula sa NTF-ELCAC at pabawasan ang pondo nito.

LATEST

LATEST

TRENDING