Mga senador, ipinasisibak si Parlade mula sa NTF-ELCAC

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Lt. Gen. Antonio Parlade

Ipinanawagan ng ilang senador noong Huwebes sa Malacañang na tanggalin si Lt. Gen. Antonio Parlade mula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil sa paghahalintulad nito sa isang organizer ng community pantry kay “Satanas”.

Dapat umanong tanggalan ang nasabing task force ng mga “iresponsableng opisyal,” giit ni Senate President Vicente Sotto III.

Aniya, “I believe the NTF-ELCAC program is good… We should not be hasty in blaming a good program because of irresponsible statements from some officials. Replace the officials instead.”

“Kapag ayaw tanggalin at saksakan ng lakas sa Palasyo, then defunding is the recourse,” dagdag pa nito.

Unang sinabi naman nina Senador Joel Villanueva at Senador Sherwin Gatchalian na dapat ilaan na lamang ang P19 bilyong pondo ng task force para sa mga programang kaugnay ng Covid-19 respnse matapos ang pambabatikos ni Parlade sa organizers ng community pantry.

Ayon naman kay Senador Kiko Pangilinan, sinisira ni Parlade ang imahe ng Armed Forces of the Philippines bilang propesyunal at responsableng institusyon.

Aniya, “Kung sa ganyang baluktot na pagiisip at palakad napupunta ang P19 bilyong pisong budget ng NTF-ELCAC ay dapat bawiin na ito at ibigay sa ayuda ng mahihirap.”

Samantala, dapat naman umanong makialam ang NTF-ELCAC sa mga makabuluhang programa kontra Covid-19 sa halip na nagsasagawa ito ng mga walang basehang paratang sa organizers ng community pantries, ayon kay Senadora Nancy Binay.

Aniya, “Since kinakapos nga tayo sa pandemic response, baka mas maigi from profiling, eh mag-contact tracing na lang for COVID-19 si Gen. Parlade. Mas may pakinabang s’ya dun.”

Noong Miyerkules, tinanggihan naman ni Parlade na nagsasagawa ng profiling ang mga awtoridad sa mga taong nasa likod ng community pantries, at sinabing tinitingnan lamang nila ang sitwasyon ng mga ito sapagkat dinudumog ito ng maraming tao.

“We’re just checking kung ano ang ginagawa, anong sitwasyon sa community pantries na ito kasi hindi naman lahat ng community pantries ay initiated by one group or one individual,” ani Parlade.

“We’ve been checking all around the country, may community pantries na-find out na organized by the LGUs (local government units),” dagdag pa nito.

LATEST

LATEST

TRENDING