FDA: Duterte, isinusulong ang ivermectin clinical trials kontra Covid-19

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Personal na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng clinical trials sa bansa para sa paggamit ng antiparasitic drug na ivermectin bilang panlaban sa Covid-19, ayon kay Food and Drug Administration Director General Eric Domingo.

Ayon kay Domingo noong Martes, ipinag-utos ito ng Pangulo sa Department of Health at Department of  Science and Technology upang malaman kung maaari gamitin ang nasabing gamot sa taong may Covid-19.

Ipinag-utos ito ng Pangulo bagama’t paulit-ulit na nagbabala ang FDA at DOH na walang sapat na ebidensiya hinggil sa efficacy ng gamot laban sa virus. Inihayag din ng ilang eksperto na posibleng makapagdulot ng brain damage o kahit pagkamatay ang pagte-take nito ng matataas na doses.

“Si Presidente po mismo ang nag-utos noong Huwebes sa DOST at DOH na aralin,” ani Domingo sa isang media briefing.

“Kasi marami din siyang naririnig at nababalitaan na may mga sumusuporta at meron ding siyentipikong nagsasabing kulang pa ang ebidensya. So inutos niya talaga sa pamahalaan na aralin na rin,” dagdag pa nito.

Ibinunyag din ni Domingo na sinabi umano ng DOST na mayroon nang iba’t-ibang trials sa buong mundo na inaasahang makukumpleto sa darating na mga linggo, ayon kay Duterte.

“Kaya lang, si Presidente, gusto niya talaga sigurong subukan sa ating mga Pilipino kaya inutos niya sa DOST na aralin din sa atin,” giit ng pinuno ng FDA.

Ang huling pahayag ng Pangulo ay taliwas sa naunang mga anunsyo. Noong Abril 10, inihayag ng gobyerno na wala itong planong magsagawa ng clinical trials upang determinahin ang efficacy ng nasabing gamot sapagkat maraming kaparehong pag-aaral ang isinasagawa sa ibang panig ng mundo.

LATEST

LATEST

TRENDING