Gobyerno, kinakailangang doblehin ang Covid-19 beds sa NCR – treatment czar

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Kinakailangang magdagdag ng libu-libong hospital beds ang Metro Manila upang matugunan ang pagdami ng Covid-19 patients, giit ng treatment czar na si Health Undersecretary Leopoldo Vega noong Huwebes.

Ayon kay Vega, mayroon lamang 9,636 Covid-19 beds ang capital region na siyang sentro ng pandemiya sa bansa. Sa bilang na ito, 737 lamang ang nakalaan para sa intensive care unit o ICU, kung saan inilalagay ang mga may kritikal na kondisyon.

“Kailangan po naming magdagdag ng ICU beds twice what we have now,” diin ni Vega.

Ayon sa opisyal, sinisikap niyang magdagdag ng 700 na ICU beds sa susunod na tatlo hanggang apat na buwan.

 “Kailangan rin natin ‘yung hospital beds natin from 9,636, dapat pataasin pa ho natin ‘yan into something like another, up to 15,000 to cover the COVID mild cases,”dagdag pa nito.

Sinabi rin nito na bagama’t nagbukas ng mas maraming temporary treatment at monitoring facilities para sa Covid-19 patients na may mild symptoms, ang mga mayroong comorbidities tulad ng hypertension at diabetes ay kinakailangang ilipat sa mga ospital.

Kasalukuyang nakapagtatala ang bansa ng average na 8,000 hanggang 10,000 na bagong mga kaso kada araw, ayon kay Vega, na nagreresulta sa 65% ICU utilization rate sa buong bansa. Subalit, ang Metro Manila ay mayroon nang critical care utilization na 86%.

Ayon kay Vega, ang centralized referral system ng pamahalaan na One Hospital Command, ay lunod sa mga tawag mula ng mga taong desperadong makahanap ng ospital para sa mga nahawang kamag-anak. Kasalukuyan umanong tinatrabaho ng pamahalaan ang pagpapabuti sa sistema sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mas maraming personnel, kabilang ang mga doktor na makapagbibigay ng atensyong medikal.

Aniya, “We will have more open lines.”

Noong Miyerkules, sinabi ni Dr. Bernadette Velasco, operations manager ng One Hospital Command, na ang dating turnaround time sa pagproseso ng mga tawag ay nasa sampung minuto. Subalit, sa pagsipa ng Covid-19 cases, umabot na ito sa dalawang oras bago makahanap ng bakante at kadalasang mga ospital ito sa labas ng Metro Manila

Nanawagan naman si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na bilisan ang paglalabas ng real-time updates tungkol sa hospital bed capacity, habang patuloy na nahihirapan ang mga Pilipino sa paghahanap ng mga tatanggap na ospital.

Kadalasang late nang dalawang araw ang tracker ng Department of Health (DOH).

LATEST

LATEST

TRENDING