Duterte, ‘di kailangangang ‘ipagmayabang’ na siya ay nagtatrabaho – Roque

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Sen. Bong Go

Sa gitna ng pambabatikos tungkol sa umano’y pagiging absent sa nakalipas na linggo, iginiit ng Malacañang na hindi kinakailangang patunayan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagtatrabaho ito.

“Ang assumption po ninyo kinakailangang magpakita para patunay na nagtatrabaho ang Presidente. Hindi po ganoon ang istilo ng ating Presidente,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang virtual briefing noong Lunes.

Ayon kay Roque, ginawa na ni Duterte ang nararapat na mga desisyon kabilang ang bagong quarantine classifications hanggang dulo ng Abril. Pinangangasiwaan din nito aniya ang pagkalap ng mga Covid-19 vaccines habang tinitiyak na mabilis itong maipamamahagi.

“Hindi na po niya kinakailangang ipagmayabang sa publiko na siya ay nagtatrabaho,” diin ni Roque.

Umalingawngaw sa social media ang pagiging absent ng Pangulo at ang umano’y kapabayaan nito sa nakalipas na linggo, kung saan naging usap-usapan ang kanyang kalusugan.

Nag-post naman sa social media ang dating assistant ng Pangulo na si Sen. Bong Go ng iba’t-ibang videos at larawan kung saan makikita si Duterte na nagjo-jogging, naglalaro ng golf, at nakasakay sa motorsiklo.

Sinabi rin ni Roque na hindi dapat ikumpara ang Covid-19 response ng administrasyon sa ginawang pagresponde ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa Bagyong Yolanda.

“Huwag na po nating ibalik iyong naging kalansay ng Liberal Party na Yolanda. Kapag sinabi mong Yolanda, alam ng taumbayan, disaster po iyan,” giit ni Roque.

“Hindi po natin ibabalik iyong naging government response to Yolanda na disastrous,” dagdag pa nito.

Samantala, pumalo na higit 15,000 ang mga namamatay dahil sa Covid-19 sa bansa, habang umabot na sa 876,000 ang kabuuang Covid-19 cases.

LATEST

LATEST

TRENDING