2 senador, ipinanawagan ang agarang pagdedeklara ng state of calamity sa industriya ng baboy

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Hinikayat ng dalawang senador si Agriculture Secretary Wiliam Dar na paalalahanan si Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa naging rekomendasyon ng ahensya na magdeklara ng state of calamity sa industriya ng baboy. 

Sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee of the Whole hinggil sa epekto ng African swine fever (ASF) sa food security ng bansa, idiniin ni Senador Kiko Pangilinan na dapat nang ipatupad ang naturang rekomendasyon upang matulungan ang mga nasa industriya ng baboy at matigil ang pagtaas ng presyo nito bunsod ng kulang na suplay.

Hindi pa rin aniya ito naipatutupad bagama’t Marso 9 pa nang talakayin ang naturang isyu sa Senado.

“Baka puwedeng i-follow po ninyo Secretary Willy na talagang crucial itong state of calamity declaration so we can mobilize local governments, the national government, the Department of Agriculture, para mapondohan,” giit ni Pangilinan.

Ang deklarasyon ng state of calamity ay kailangan umano para udyukin ang pamahalaan na kumilos at pondohan ang mga dapat gawing proyekto.

Ayon naman kay Dar, nagsumite na umano ng draft declaration ang Department of Agriculture sa Malacañang subalit wala pa umanong naging tugon dito.

Samantala, sinabi naman ni Senador Migz Zubiri na importante ang deklarasyon para makapaglabas na ng pondong ilalaan sa biosecurity at repopulation o muling pagpapadami ng populasyon ng baboy sa Pilipinas.

Aniya, “I hope that we can really suggest to the president first of all the declaration of emergency for the pork industry para maka-release na po tayo ng pondo for the bio-security and repopulation and the soft loans.”

Kulang din umano ang inilaang pondo ng DA para mapabilis ang pagbangon ng industriya ng baboy.

Batay sa datos ng DA, naging 9 milyon na lamang ang populasyon ng baboy sa bansa, mula sa dating 12 milyon, dahil sa pananalasa ng ASF.

LATEST

LATEST

TRENDING