PSG Chief: Hindi lahat ng PSG personnel ay nabakunahan vs. Covid-19

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Hindi lahat ng miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang nabakunahan kontra Covid-19, ayon kay PSG Chief Jesus Durante III noong Huwebes matapos higit 100 PSG personnel ang nahawa sa Covid-19 kamakailan.

Ayon kay Durante, naabot ng PSG ang “peak” nito sa 126 active cases sa nakalipas na linggo. Dahil dito at sa patuloy na pagtaas ng Covid-19 cases sa Metro Manila, inirekomenda ng PSG ang postponement ng mga aktibidad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng nasabing linggo, kabilang ang regular nitong “Talk to the People” address.

Ang Metro Manila, kung saan naroon ang Malacañang, ay kasalukuyang sumasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) kabilang ang apat na karatig lalawigan dahil sa surge ng Covid-19 cases.

Bumaba naman sa 41 ang bilang ng PSG personnel na nakikipaglaban sa Covid-19 noong Huwebes, ayon kay Durante.

Idiniin nito na ang karamihan ng nahawang personnel ay ang mga naka-assign sa mga gate ng Malacañang, at wala sa kanila ang kabilang umano sa close-in security ng Pangulo.

Mayorya rin umano ng mga pasyente ang hindi pa nababakunahan kontra Covid-19.

Aniya, “Not all personnel have been immunized yet with any vaccine but some of the personnel were already immunized. But I could say that statistically, most of those who haven’t been immunized yet were the ones who were infected by the virus, mostly.”

Ipinaliwanag ng health experts na puwede pa ring mahawa ng Covid-19 ang vaccinees, subalit protektado na sila mula sa malalang pagkakasakit o pagpapa-ospital. Ang mga nahawang PSG personnel at asymptomatic o walang ipinapakitang sintomas, ayon kay Durante.

Noong Pebrero, binigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ang PSG ng compassionate special permit, kung saan pinayagan itong gumamit ng 10,000 doses ng Sinopharm Covid-19 vaccine na gawang China. Ayon kay Durante, patuloy pa rin ang vaccination sa mga miyembro ng PSG.

Aniya, “Every day we have a program for our personnel here to be vaccinated and it’s being scheduled from time to time.”

Matatandaang ilang PSG personnel ang naturukan na ng Covid-19 vaccine noon pang Setyembre 2020, kung saan wala pang inaaprubahang Covid-19 vaccine sa bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING