Mga ospital sa Metro Manila, hirap na tugunan ang pagsipa sa bilang ng Covid-19 cases

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Ang mas maraming nakahahawang Covid-19 variants ang itinuturong sanhi sa pagsipa sa bilang ng Covid-19 cases sa Metro Manila.

Hindi na rin kayang tugunan ng itinalagang Covid-19 referral hotline ang mga tawag ng mga nagnanais humanap ng ospital dahil sa daan-daang tumatawag dito.

Sa layuning sugpuin ang pagkalat ng coronavirus at bawasan ang mga pasyente sa ospital, ipinag-utos ng mga awtoridad noong nakaraang buwan ang pagsasailalim sa lockdown ng Metro Manila at apat na karatig lalawigan.

Isang linggo matapios ang pagpapatupad ng lockdown, 70-80 percent ng mga hospital beds para sa Covid-19 patients ang puno na, habang ang ICU beds naman ay “halos 100 percent” na okupado na sa NCR, ayon kay Health Undersecretary Maria Vergeire.

“It’s a dire situation— it is the worst nightmare of a hospital manager happening in reality,” giit naman ni Jaime Almora,  pangulo ng Philippine Hospital Association. 

Samantala, ayon naman kay Leland Ustare, isang anaesthesiologist sa St Luke’s Medical Center, ilang pasyente ang nagpapalipas ng ilang araw sa emergency room dahil sa paghihintay na mabigyan ng intensive care bed.

“This time is even worse than last year,” ani Ustare.

“The numbers are really worse,” dagdag pa nito.

Kasalukuyang namamahagi ng modular tents ang pamahalaan para sa mga nahihirapang ospital at nagre-redeploy din ng health workers mula sa mga rehiyon kung saan mababa ang transmission rates ng coronavirus.

Pinalalawig naman ang isolation facilities, kung saan ginagamit na rin ang mga paaralan at hotel rooms para sa mild cases alinsunod sa layuning sugpuin ang pagkalat ng virus sa mga tahanan.

Nagbabala rin ang World Health Organization na malapit na ang mga ospital sa “red line” kung saan nalagpasan na ng demand ang health-care capacity.

“It’s very, very important to avoid crossing this red line,” sabi ni Takeshi Kasai, WHO regional director sa Western Pacific.

Para naman kay Almora, ang problem sa mga ospital ay hindi ang kakulangan sa higaan, kundi sa health workers.

Aniya, “The hospitals have the capacity, they have the beds, but they cannot expand their capability because of the manpower problem.”

Ilang nurses na ang nag-resign dahil sa pangambang mahawa sa virus o di kaya ay nag-abroad upang magtrabaho sa mga ospital na mas mataas ang pasahod.

LATEST

LATEST

TRENDING