1-linggong ECQ extension sa ‘NCR Plus,’ inirekomenda ng isang OCTA analyst

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Ted Aljibe (AFP)

Inirekomenda ng isang analyst mula sa independent research group na OCTA noong Biyernes ang pagpapalawig nang isang linggo sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa “NCR Plus,” matapos makapagtala ang Pilipinas ng record-high na bilang ng mga namamatay dahil sa Covid-19.

Sinabi ni OCTA Research fellow Guido David na bagama’t bumabagal ang reproduction rate ng coronavirus sa “NCR Plus” bubble—na kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal – ang pagpapalawig ng ECQ ay makatutulong umano sa pagpapababa sa bilang ng mga kaso.

Aniya, “Siyempre, ‘pag public health ‘yung consideration lang natin … ang recommendation natin is i-extend ‘yung ECQ para mapababa ‘yung reproduction number to less than 1.”

Ayon kay David, bumaba ang reproduction number sa loob ng bubble sa 1.24, mula sa 1.43 noong Miyerkules.

Nagpasya noong Sabado ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) sa pagpapalawig ng ECQ sa NCR Plus nang isa pang linggo “at least” upang mapigilan ang pagsipa sa bilang ng Covid-19 cases.

Halos dalawang linggo nang umiiral ang ECQ simula noong Marso 29.

Noong Biyernes, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng record-high na 401 Covid-19 deaths. Sa kasalukuyan, pumalo na sa 840,554 ang kabuuang bilang ng Covid-19 cases sa bansa, kung saan 14,520 na ang nasawi habang 647,683 naman ang gumaling.

Nagbabala naman si David na patuloy na tataas ang bilang ng mga namamatay habang patuloy ang pagtaas ng mga kaso.

“Dati pa namin ‘yang sinasabi na … ‘pag tumaas ‘yung cases, tataas talaga ‘yung deaths kasi tumataas ‘yung base number natin. Kahit hindi tumataas ‘yung mortality rate, kahit sabihin natin fixed siya … dadami talaga ‘yung deaths. Marami talaga ‘yung mamamatay,” paliwanag nito.

Idinagdag din nito na kung patuloy ang pagtatala ng hindi bababa sa 10,000 cases bawat araw, makapagtatala rin ng 200 deaths kada araw.

“Pwede pa tumaas ‘yan, pwede pa humigit ‘yan,” giit nito.

Gayunpaman, idiniin ni David na bumuti na ang sitwasyon ng Covid-19 sa bansa, kumpara noong patapos ang Marso.

Inihayag naman ng OCTA Research Group na maaaring pumalo sa isang milyon ang bilang ng Covid-19 cases sa bansa sa dulo ng buwan.

LATEST

LATEST

TRENDING