Makabayan bloc, tinuligsa ang ‘photo ops’ ni Duterte sa gitna ng pandemiya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Facebook page ni Sen. Bong Go

Para sa ilang progresibong mambabatas, kongkretong pagbabago sa Covid-19 response, at hindi lamang “photo ops,” ang makapagbibigay kumpiyansa sa publiko na tinutugunan ng gobyerno ang Covid-19 pandemic.

“Ang daming problema ng Pilipinas ngayon. Ano ba man lang ‘yung magresponde sa mga pinakamaiinit na issue na binabato sa kasalukuyan?” ani Gabriela Rep. Arlene Brosas sa isang briefing.

Ayon sa kongresista, ang larawan ni Duterte na umano’y subsob sa maraming aasikasuhing dokumento ay hindi nakapagbigay linaw sa kung ano ang tinatrabaho nito.

Aniya, “Malaki ang problema natin lalo sa surge ng cases ng COVID, ‘yung ayuda na kailangan, na hindi pa sapat, kailangang pag-usapan ng mabuti at papaano, saan kukuha ng pera.” 

Ayon naman kay ACT-Teachers Party-list Rep. France Castro, hindi ito ang unang beses na ginawa nina Go at Duterte ang naturang “gimik,” sa mga panahong kailangan ng publiko ng agarang aksyon.

“Gumigimik na naman si Sen. Bong Go at si President Duterte. Ilang beses na itong nangyayari na kung may mga masisidhing mga issue na kinakailangan ng intervention ng Pangulo ay nagkakaroon ng ganitong mga gimik, mga photo ops,” sabi ni Castro.

Unang sinabi naman ni Go na ilang mga miyembro ng security group ng Pangulo ang nahawa sa Covid-19, kaya ipinagpaliban ang mga aktibidad ni Duterte ngayong linggo. Ibinunyag din nitong nag-negatibo ang Pangulo sa isinagawang swab test sa kanya noong Semana Santa.

Samantala, dismayado naman si Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar sa mga kumakalat na komento na may kakulangan umano ang pamahalaan sa Covid-19 response.

“To say that the Duterte administration’s response is on ‘autopilot’ is to belittle the expertise of those in the recommendatory and implementary bodies who have put in hard work and dedication to address the health issue since day one,” pahayag ni Andanar.

Huling nakita si Duterte sa mata ng publiko noong Marso 29, nang makipagpulong ito sa mga opisyal hinggil sa pandemic response.

LATEST

LATEST

TRENDING