Mga nagsusulong ng Ivermectin vs. Covid-19, inabisuhang hintayin ang desisyon ng FDA

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Inabisuhan ng mga opisyal ang mga promoters ng antiparasitic drug na Ivermectin na hintayin ang approval ng Food and Drug Administration (FDA) para sa compassionate use nito bago hikayatin ang publiko na gamitin ito bilang alternatibong gamot laban sa Covid-19.

Sa kanyang briefing noong Martes, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na baka punain ng mga regulatory bodies ang hakbang ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na mamahagi ng Ivermectin para sa mga may sakit at matatandang residente ng Quezon City.

“Ang aking pakiusap, hintayin na lang natin dahil mabilisan naman ang desisyon ng FDA diyan. Hindi naman magtatagal iyan, at para rin po ito sa ating kapakanan at interes din dahil kailangang mapatunayang mabisa, epektibo at ligtas ang gamot na ito para sa Covid-19,” ani Roque.

Nang tanungin kung mananagot si Defensor at ang iba pang mambabatas na nagpo-promote ng nasabing gamot, iginiit ni Roque na hindi siya makapagbibigay ng legal advice hinggil sa isyu sapagkat hindi umano ito saklaw ng kanyang expertise.

Samantala, idiniin naman ni Department of Health-Technical Advisory Group member Edsel Salvaña na posibleng makapagdulot ng brain damage ang pag-inom ng Ivermectin nang maramihang doses.

Aniya, “Pwedeng magkaroon ng brain damage ang isang tao at pwedeng mamatay kung ma-overdose nang todo-todo.”

Unang inihayag ni Defensor na uminom siya ng Ivermectin habang nagpapagaling mula sa Covid-19. Hinikayat nito ang mga awtoridad na i-monitor at i-regulate ang nasabing gamot sa halip na “patayin” ang isang inisyatibang maaaring makapagsalba ng buhay ng tao.

“Ivermectin is safe. It has been there for so many years. Wala po itong recorded na adverse effects sa mga pasyente maging sa ginagawang clinical trials sa ngayon,” wika ni Defensor.

Sa ngayon, aprubado lamang ng Food and Drug Administration (FDA) ang Ivermectin para sa animal use, upang gamutin ang heartworm disease at parasite infestation tulad ng kuto at scabies. Wala pa itong pahayag tungkol sa compassionate use para sa tao.

Inanunsyo ni Defensor sa kanyang Facebook account noong Lunes na mamamahagi siya ng Ivermectin nang libre, subalit kinakailangan muna ng riseta bago makatanggap ng suplay.

Ito ay sa kabila ng inilabas na pahayag ng FDA at DOH na hindi tumalab ang Ivermectin upang bawasan ang pagkasawi ng mga mild to severe cases ng Covid-19. Hindi rin nito napababa ang hospitalization period o time resolution ng mga sintomas.

Idiniin din ni FDA Director General Eric Domingo na ang mga testimonials o anecdotal report ay hindi sapat na basehan para sa approval ng Ivermectin.

LATEST

LATEST

TRENDING