
Binanatan ng kampo ni Vice President Leni Robredo noong Huwebes ang isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na naglarawan sa kanya bilang “lugaw” at “non-essential.”
Naunang sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III noong Huwebes na seryoso siya sa pagtawag kay Robredo bilang “non-essential” bagama’t pabiro lamang ang pagsabing “lugaw” ito.
Si Densing umano ang sumasalamin sa Covid-19 response ng pamahalaan, tugon naman ng tagapagsalita ni Robredo na si Barry Gutierrez.
“With cases rising, hospitals full, & millions struggling, instead of doing real work he makes ‘jokes,’ plays politics, & bashes someone who’s actually doing the job they’re supposed to,” ani Gutierrez sa Twitter.
“Di lang ito ‘non-essential.’ Ito ay pabigat,” dagdag pa nito.
Unang tinawag ni Densing si Robredo bilang “lugaw” noong Miyerkules.
Aniya, “Tama iyong sinabi niya, non-essential si lugaw. Pero kung sinabi niya, essential ang lugaw, tama ‘yon. Ang lugaw. Pero si lugaw ang binanggit niya. Non-essential talaga ‘yon sa paningin namin.”
Samantala, nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Miyerkules na “essential good” ang lugaw o kahti anumang pagkain.