LGUs na nasa ilalim ng ECQ, pipili kung cash o in-kind ang ibibigay na ayuda

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Ang mga low-income families sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ay posibleng makatanggap ng cash o in-kind assistance, depende sa diskresyon ng local government units, ayon sa mga opisyal noong Martes.

“Nasa local government unit na po ‘yan. Pwede nilang ibigay ng cash or kung nakikita nila na kailangan na in kind, nasa kanila po ‘yan,” paliwanag ni Budget Secretary Wendel Avisado.

Unang sumang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte sa mungkahi ni Avisado na magbigay ng in-kind assistance sa 22.9 milyong low-income residents ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal, na nasa ilalim ng ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 4 dahil sa pagsipa ng Covid-19 cases.

Sa isang Malacañang briefing noong Martes, nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi nakasaad kung anong uri ng assistance sa amelioration program ang ipamamahagi sa ilalim ng kautusang nilagdaan ng Pangulo.

Aniya, “Ang pinirmahan ni Presidente is already silent on whether it is in cash or in kind so that’s the call of the LGU. Basta ang gusto ni Presidente, sa lalong madaling panahon makarating ang ayuda.”

Sinabi naman ni Avisado na pinirmahan niya ang Special Allotment Release Order at Notice of Cash Allocation para sa earmarked na ₱22.9 bilyon bilang one-time assistance. Ililipat naman ng Bureau of the Treasury ang pondo para sa mga bibigyang local government units.

Nais ni Duterte na ipamahagi ang ayuda sa unang linggo ng Abril.

Ang bawat indibidwal ay makatatanggap ng ayuda na nagkakahalaga ng P1,000 o hanggang P4,000 kada pamilya. Nang tanungin kung mayroong higit apat na miyembro ang pamilya, sinabi ni Avisado na pagdedesisyunan ng LGUs kung paano ipatutupad ang programa sa tulong ng Department of Social Welfare and Development.

LATEST

LATEST

TRENDING