Duterte, inaprubahan ang in-kind assistance para sa mga apektadong Pinoy sa ECQ areas

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ang isang supplemental amelioration program para sa low-income residents ng Metro Manila at apat na karatig lalawigan, na isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) hanggang Abril 4 dahil sa pag-akyat ng Covid-19 cases.

“‘Yung mga nadiskaril sa finances nila, ‘yung mga naghirap sa pera dahil hindi makalabas, dasal lang kayo. We will give you the ayuda,” ani Duterte sa lingguhang pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Ayon kay Budget Sec. Wendel Avisado, ang ayudang ibibigay ng pamahalaan ay in kind at ang mga ito ay ipadadaan sa pamamagitan ng local government units (LGUs).

“Wala po tayong cash dito. We will leave it to the local government units dahil sila po talaga ang first line na pinupuntahan ng mga tao, na sila ang mag-allocate nito,” sabi ni Avisado kay Duterte.

Halos 23 milyong low-income individuals mula sa Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite, at Laguna ang makatatanggap ng in-kind doleout na nagkakahalaga ng ₱1,000. Ang ayuda ay limitado sa maximum na apat na miyembro bawat pamilya.

Sinabi rin ni Avisado na maglalabas umano ang Budget Department ng nasa P23 bilyon sa mga LGUs na nasa loob ng ECQ areas para sa distribusyon ng ayuda. Ang pondo ay manggagaling sa Bureau of Treasury-certified sources alinsunod sa Bayanihan 2 law, tulad ng debt exchange transactions, savings mula sa interest payments, additional revenues, available cash balances, at kita mula sa government securities.

Tiniyak ng kalihim sa Pangulo na ang disbursement ng pondo para sa in-kind assistance ay hindi nangangailangan ng pagsang-ayon ng Kongreso sapagkat binigyan ng Bayanihan 2 ang Pangulo ng awtoridad upang gamitin ang anumang unutilized funds meant para sa pandemic response.

“Wala po tayong ginalaw na budget for this year dahil ito po ‘yung mga sobra na hindi pa natin nagagamit,” ani Avisado.

Ang audit naman ng pondo ay kapareho pa rin umano tulad ng pamamahagi ng cash aid noong unang mga buwan ng lockdown noong nakaraang taon, kung saan magsusumite ng listahan ng benepisyaryo ang LGUs at disbursement report upang matukoy kung paano ginastos ang pondo.

Aniya, “Siguruhin nila na maibibigay nila, kung hindi mananagot po talaga sila, ang mga mayors natin. Sa kanila pong nakasalalay ang madaliang pagbibigay ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan.”

LATEST

LATEST

TRENDING