
Pinabulaanan ng Malacañang noong Biyernes ang pagtatanong ng isang senador tungkol sa bilis ng pagkalap ng pamahalaan ng Covid-19 vaccines ngayong may bilyun-bilyong pondo itong inutang na gagamitin para sa Covid-19 response.
Noong Huwebes, nag-tweet si Sen. Panfilo Lacson ng listahan ng mga loans mula sa iba’t-ibang organisasyon at nagtanong: “Nasaan ka bakuna?”
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, wala umanong opisyal ng pamahalaan ang may access sa naturang mga pondo.
“Mula pagbili o procurement hanggang sa pagbayad ng mga bakuna ay ima-manage ng ating multilateral partners. Ibig sabihin po, bagamat tayo’y binigyan ng kumbaga, credit line, iyong pag-draw down po sa credit line para sa pagbili ng bakuna, didiretso po ‘yan sa vaccine manufacturer,” ani Roque sa isang press briefing.
Dagdag pa nito, “Hindi po dapat magtanong na sa kabila ng mga nautang na salapi e nasaan ang bakuna. Meron lang tayong approved loans at iyong mga proceeds po ng mga loans, diretsong ibabayad ‘yan sa vaccine manufacturers.”
Dumating kamakailan sa bansa ang 600,000 doses ng Sinovac Covid-19 vaccines mula sa China, at 525,600 doses ng AstraZeneca vaccines mula sa COVAX Facility.
WB/ADB/AIIB approved loans for Ph Covid vaccines:
— PING LACSON (@iampinglacson) March 17, 2021
April 20,2020 – US$100M
May 28, 2020 – US$500M
Dec 16, 2020 – US$600M
Mar 12, 2021 – US$500M
Mar, 2021 – US$400M
Mar, 2021 – US$300M
plus:
P10B – DOH Bayanihan budget
equals:
P126.75B@P48.64 per US$1
NASAAN KA BAKUNA?