
Nakapagbakuna na kontra Covid-19 ang Pilipinas nang hindi bababa sa 292,000 frontline workers, ayon kay Vaccine czar Carlito Galvez, Jr. noong Biyernes.
Aabot sa 292,677 frontliners ang nakatanggap na ng unang doses ng mga bakuna batay sa datos noong 6 P.M. ng Huwebes, dagdag pa ni Galvez, chief implementer ng National Task Force Against COVID-19.
Nakakapagbakuna ang bansa ng average na 23,000 hanggang 30,000 kada araw, ayon sa opisyal.
Kasalukuyang nakatanggap na ang bansa ng 1,125,600 Covid-19 vaccine doses kabilang ang 600,000 doses mula sa Sinovac ng China, at 525,500 naman mula sa AstraZeneca.
Umaasa ang mga awtoridad sa pagdating ng 2.3 milyong karagdagang bakuna sa Marso at Abril.
Ayon kay Galvez, sapat na umano ang mga ito upang bakunahan ang nasa 1.7 milyong health workers sa bansa.
Ang mga matatanda, mahihirap, at bulnerableng sektor na posibleng makapag-develop ng seryosong Covid-19 symptoms ang mga susunod na babakunahan.
“Most likely ang makita natin sa massive vaccination natin, mangyayari ngayong May,” ani Galvez.
Ipinapanukala naman ng mga awtoridad ang pagbabakuna ng “different targets at the same time.”
“For example, iyong A1 to A3 [priority groups], tatargetin iyon ng national government and LGU; while iyong A4 ay tatargetin ng mga tinatawag na mga private,” paliwanag ni Galvez.
Dagdag pa nito, “With that, hindi natitengga iyong tinatawag natin na resources and capability ng mga ibang stakeholders.”