Roque: Health technology assessment, ‘di required para sa paggamit ng Covid-19 vaccines

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Pinabulaanan ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Lunes ang naging pahayag ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo na dapat sumailalim muna sa health technology assessment ang mga Sinovac Covid-19 vaccines.

Ayon kay Roque, hindi umano mandatoryo ang ganitong uri ng expert review sa ilalim ng Universal Health Care law. Recommendatory lamang aniya ang health technology assessment process sa Department of Health (DOH) at PhilHealth sa ilalim ng batas.

“The letter is the law is very clear po. It’s recommendatory,” ani Roque sa isang televised meeting kasama si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga opisyal.

“And the spirit of the law was never to duplicate the function of the FDA (Food and Drug Administration), dahil ‘yung safety and efficacy po, ‘yan na po ‘yung function ng FDA,” dagdag pa ni Roque.

Noong Linggo, sinabi ni Robredo na kung walang positibong rekomendasyon mula sa Health Technology Assessment Council tungkol sa CoronaVac ng Sinovac, wala umanong dagdag proteksyon sa mga Pilipinong magpapaturok nito. Ang HTAC, na kinabibilangan ng mga health experts, ay inatasang mag-evaluate sa Covid-19 vaccines na inaprubahan ng FDA at magbalangkas ng rekomendasyon sa DOH kung aling brands ang dapat bilhin.

Nauna ring inihayag ng Philippine General Hospital Physicians’ Association na dapat munang sumailalim sa appraisal ng HTAC ang Sinovac vaccines upang maisulong ang “individual informed decision-making before it is administered to healthcare workers.”

Umarangkada na ang vaccination rollout ng bansa noong Lunes bunsod ng pagdating ng 600,000 doses galing sa kumpanyang Sinovac ng China.

Ang shipment ng 525,600 doses naman ng AstraZeneca vaccines ay made-delay ng isang linggo mula Lunes.

LATEST

LATEST

TRENDING