OCTA Group, inirekomenda ang dahan-dahang pagpapaluwag ng quarantine protocols sa NCR

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Jansen Romero (Manila Bulletin)

Inihayag ng OCTA Research Group noong Sabado na kinakailangan ang mas dahan-dahang hakbang sa pagpapaluwag ng quarantine protocols upang maiwasan ang posibleng surge ng Covid-19 cases sa Metro Manila, habang pinag-iisipan ng mga awtoridad ang pagtransisyon sa pinakamaluwag na uri ng community quarantine.

Nilinaw ni OCTA research fellow Guido David na hindi tutol ang kanilang grupo sa pagsasailalim ng Metro Manila sa modified general community quarantine, subalit hindi umano naaayon ang timing sa ngayon.

Aniya, “Mas gusto natin medyo mas gradual para ma-balance natin ‘yung risk factor saka ‘yung economy.”

Nagkasundo ang mga alkalde ng Metro Manila at ang inter-agency task force sa Covid-19 response na isailalim ang Metro Manila sa MGCQ sa susunod na buwan.

Base naman si simulation na isinagawa ng grupo, kung isasailalim umano ang Metro Manila sa MGCQ at matamaan ito ng kaparehong variant na kumalat sa Cebu City, magtatagal lamang aniya ng 36 days bago bumalik ang rehiyon sa dati nitong sitwasyon noong Agosto, kung saan naitala ang average na 2,400 Covid-19 cases bawat araw.

“Kasi ngayon sa Metro Manila naga-average tayo ng 400 cases per day. So ‘pag tinamaan tayo ng ganung pagtaas ng cases, 36 days nandoon na tayo sa 2,400,” paliwanag ni David.

Ayon sa eksperto, mayroong risk kung kaya’t nararapat lamang ang mas calibrated na pagpapaluwag sa restrictions. Naobserbahan din ng grupo ang biglaang pag-akyat ng Covid-19 cases sa Metro Manila, partikular na sa Pasay, Navotas at Malabon.

Aniya, “Sa Pasay City dumoble from last week. From mga 23 naging 44 cases per day, mataas ‘yan for Pasay City. In fact, ‘yung attack rate nila lagpas 7 na which means nasa high risk na sila bigla. May nakita tayong pagtaas dito sa Pasay, sa Navotas at saka sa Malabon.”

Posible umanong naging dahilan sa pagtaas ng kaso ang clustering ng cases.

“Wala tayong sinasabing may variant o ano pero posibleng clustering of cases. Pero at the same time binabantayan natin ‘yan ng maigi kasi we are concerned about the sudden increase, biglaan ‘yan,” sabi ni David.

LATEST

LATEST

TRENDING