Malacañang: Duterte, posibleng ipatupad ang MGCQ sa buong PH

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

May tsansa umanong ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim ng buong bansa sa pinakamaluwag na uri ng community quarantine o modified general community quarantine (MGCQ), giit ng Malacañang noong Biyernes.

Ito ay matapos sumang-ayon ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at mga alkalde ng Metro Manila na ipatupad ang MGCQ sa buong bansa.

“Inaasahan naman natin dahil meron ng ganitong kasunduan sa panig ng IATF at ng mga Metro Manila mayors eh baka naman po sumang-ayon ang ating presidente,” paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang interview sa PTV-4.

Ayon kay Roque, posibleng pagdesisyunan ni Duterte ang bagong quarantine classification para sa Marso sa gaganaping pagpupulong ng Gabinete sa Lunes.

Subalit, ang desisyon ng Pangulo ay inaanusyo aniya bago magtapos ang Pebrero, ayon kay Roque.

Naghahanda na umano ang IATF-EID para sa posibleng deklarasyon ng MGCQ.

Ang mga “special rules” aniya na ipinatutupad sa GCQ zones tulad ng Metro Manila ay aalisin sakaling magpasya ang Pangulo na isailalim ang buong bansa sa MGCQ.

“Wala na ‘yung special rules sa GCQ dahil lahat po tayo ngayon covered ng mga rules under MCGQ at least pagsimula ng a-uno ng Marso at kung papayagan ng Presidente ,” wika ni Roque.

Bukod sa Kalakhang Maynila, nasa ilalim din ng GCQ para sa buwan ng Pebrero ang Cordillera Administrative Region, Batangas, Tacloban City, Iligan City, Davao del Norte, Davao City, at Lanao del Sur. Ang natitirang bahagi naman ng bansa ay nasa MGCQ na.

Kasalukuyang pinag-aaralan ni Duterte ang panukala ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na ipatupad ang MGCQ sa buong bansa upang pagbalansehin ang kalusugan at ekonomiya ngayong kasagsagan ng Covid-19 pandemic.

Ayon sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority, ang mahabang lockdown sa bansa bunsod ng pandemiya ay nauwi sa mas maraming nagugutom na Pilipino na nasa 23.7 milyon, mas maraming mahihirap na nasa 4.5 milyon, at mas maraming nawalan ng trabaho na nasa 2.6 milyon.

LATEST

LATEST

TRENDING