PH, posibleng matapos ang Covid-19 vaccination rollout ngayong taon: Galvez

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr.

Posible umanong mabakunahan ng bansa ang lahat ng mga mamayan nito kontra Covid-19 at makumpleto ang vaccination program ngayong taon, ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. noong Lunes.

“Based on global data, ‘yung 6 na approved na vaccine, ay meron silang kapasidad na more or less 10 billion na vaccine. At the same time, ‘yung trial data ng Phase 3, Novavax at J&J (Johnson & Johnson), may additional capacity na another 3.2 billion. So, more or less, meron po tayong total na 13.2 billion na capacity for 2021,” paliwanag ni Galvez sa isang public briefing.

Nauna nang sinabi ng opisyal na nasa “advanced” negotiations na ang bansa sa 6 vaccine manufacturers – ang Novavax, AstraZeneca, Pfizer, Johnson & Johnson, Sinovac, at Gamaleya.

Subalit, binigyang diin ni Galvez na hindi magiging madali para sa Pilipinas ang pagkalap ng mga bakuna sa una at ikalawang quarter ng 2021.

Aniya, “Kasi karamihan po nung mga Western vaccine ay ginagamit po ng mga taga-Europe at America.”

Sinabi ni Galvez na batay sa datos na nagpapakitang nasa 7.8 bilyong katao ang populasyon ng mundo, 5.5 bilyon sa mga ito ang mga adulto at 4 bilyon sa mga ito ang sang-ayon magpaturok ng Covid-19 vaccine.

“So kung titingnan po natin ‘yung supply and demand sa 2021, may possibility po na ‘yung ating vaccination program ay makakaya po sa 2021,” wika ni Galvez.

Samantala, tiniyak naman ng Bureau of Customs na hindi nito haharangan ang delivery ng mga bakuna pagkarating ng mga ito sa bansa at agaran itong ilalagak sa mga refrigerated vans, giit ni Galvez.

Aniya “They (will) never intervene doon sa packaging.”

Positibo ang pananaw ni Galvez sapagkat naging matagumpay ang vaccine delivery simulations. Subalit, inamin nitong may problema pa ang bansa patungkol sa future storage ng mga bakuna kontra Covid-19.

“Gagawan po natin ng paraan, so we are having another rehearsal internally,” sabi ni Galvez.

Ang unang batch ng mga bakuna ay darating sa bansa “mid-February”, habang isang hiwalay na initial batch ng 600,000 mula sa Sinovac Biotech ng China ay darating naman sa Pebrero 23, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Subalit, ilang dokumento ang nakapagpaantala sa pagdating ng 117,000 doses ng Pfizer vaccines mula sa COVAX Facility, isang global initiative para sa vaccine-sharing, unang pahayag ni Roque.

LATEST

LATEST

TRENDING