Duterte: PH, nawawalan ng P2-B kada araw dahil sa pandemiya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Tulad ng ibang bahagi ng mundo, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nalumpo ang ekonomiya ng bansa bunsod ng Covid-19 pandemic.

Sa kanyang lingguhang national address noong Lunes, ibinunyag ng pangulo na nalulugi ang bansa ng P2 bilyon kada araw dahil sa paghihigpit sa paggalaw dahil sa pandemiya.

“Araw-araw, we are losing ₱2-billion para sana sa mga tao. The Filipino workers would have earned that money kung ang ekonomiya natin gumagalaw,” ani Duterte sa pakikipagpulong sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Ayon kay Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua noong nakaraang linggo, nawawalan ng P2 bilyong kada araw ang bansa dahil sa household spending losses at unemployment.

Sinabi ng pangulo na ang patuloy na pag-iral ng physical distancing at limitadong operasyon ng transportasyon at negosyo ang mga pangunahing humihila sa ekonomiya ng bansa.

Binanggit din nito ang pagliit sa gross domestic product ng bansa. Noong nakaraang linggo, inihayag ng economic managers na lumagpak nang panibagong 8.3% ang ekonomiya ng bansa sa huling tatlong buwan ng 2020 habang patuloy na naapektuhan ng pandemiya ang consumer spending at business activity.

Ang full economic growth ng bansa noong 2020 ay nasa -9.5%, ang pinakamababa simula noong 1946. Ito ay taliwas sa 6% growth ng ekonomiya noong 2019.

“We cannot argue with the science people. What can we do about it?” giit ni Duterte.

Tiniyak naman ng pangulo sa publiko na sinisikap ng pamahalaan na panatilihing buhay ang ekonomiya habang nasa gitna ng pandemiya.

Aniya, “The economy of the Philippines is really in bad shape… We are suffering with everybody.”

Ayon sa economic experts, posibleng magkaroon ng bahagyang economic recovery sa second quarter ng 2021 at full rebound sa 2022.

LATEST

LATEST