DTI Secretary, umaasang sasailalim sa MGCQ ang NCR sa mga susunod na buwan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Trade Secretary Ramon Lopez

Umaasa si Trade Secretary Ramon Lopez na sasailalim na ang Metro Manila, ang sentro ng ekonomiya sa bansa, sa pinakamababang uri ng community quarantine sa mga susunod na buwan kung bubuti ang sitwasyon sa rehiyon.

“Kapag napakita natin sa mga numero, ang patuloy na pagbaba ng COVID cases, siyempre ho iyon naman ang inaasahan natin na in the near future ay magde-escalate sa modified GCQ (general community quarantine) ang Metro Manila,” ani Lopez sa isang briefing.

Ayon sa kalihim, P700 milyon sa arawang sahod ang nagagastos sa ilalim ng GCQ, batay sa datos ng National Economic and Development Authority.

Sa ngayon, ang pokus ng pamahalaan ay protektahan ang kalusugan ng mga Pilipino habang isinusulong ang pagbangon ng ekonomiya na nananatiling nasa resesyon dahil sa pandemiya. Ayon sa mga opisyal, lumagpak ang ekonomiya nang 9.5% noong 2020, ang pinakamalalim na pagbagsak simula noong 1946.

“This is really a balancing effort. Tinitingnan din naman natin ang health statistics natin,” giit ni Lopez.

Ang National Capital Region — na sentro rin ng Covid-19 sa bansa — ay nasa ilalim ng GCQ simula noong Hunyo 2020, maliban na lamang sa pagbabalik nito sa striktong modified enhanced community quarantine sa unang bahagi ng Agosto. Sa ngayon, magpapatuloy ang pag-iral ng GCQ sa Metro Manila hanggang dulo ng Pebrero.

Sa isang hiwalay na briefing noong Biyernes, idiniin ni Lopez na ang inisyal na target na isailalim ang Pilipinas sa MGCQ sa first quarter ng 2021 ay puwede pang isakatuparan.

Aniya, “Nagkaroon lang ng new Covid-19 variant kaya talagang mas nag-extra pagiingat ang mga decisions even on the age restrictions.”

Ayon sa kalihim, dapat maging maingat ang gobyerno sa mga susunod nitong hakbang sapagkat maaari umanong madiskaril ng bagong variant ang hakbang na ibaba ang mga kaso sa bansa sa mga susunod na buwan.

“We will go there. Kailangan nang pagbabalanse ng health and economy,” sabi ni Lopez.

LATEST

LATEST

TRENDING